Netizen, inalala ang pagiging “mother” sa isang larong de–garter

  • Ginunita nitong Mayo 10, 2020 ang “Happy Mother’s Day”
  • May isang netizen na isinama sa paggunita ang mga “mother” ng larong de garter na “Ten–Twenty”
  • Ang larong Ten–Twenty ay isang uri ng larong pangkalye na ginagamitan ng chinese garter o ng gomang pinagdugtong-dugtong.

Nitong Mayo 10, 2020 ay muling binigyang–pugay ng mga anak at asawa ang mga dakilang ina, bilang mga “frontliner” ng bawat tahanan. Kaniya–kaniyang gimik ang lahat kung paano maipadarama ang pagmamahal at pagpapahalaga sa mga ilaw ng tahanan, sa kabila ng ipinatutupad na Enhanced/General Community Quarantine sa marami pang mga lugar.

Kasabay ng pag–aalala sa mga ina, ibang “mother” naman ang ginunita sa Facebook post ng isang netizen na nagngangalang “Karl Sone”. Ito raw ang mga “mother” o pinuno ng isang partikular na larong de–garter, na tinatawag na “Ten–Twenty”.

Imahe mula sa Facebook account ni Karl Sone

Ayon sa kaniyang caption, “Being a mother is both an honor and a responsibility, lalo na kung dead-mother-dead-all.
#HappyMothersDay.”

Umani naman ito ng reaksyon at komento mula sa mga netizens, lalo na ang nakaranas na makapaglaro nito noong sila ay bata pa at hindi pa masyadong mainit ang panahon upang maglaro sa labas, partikular sa mga kalye o kalsada.

“I remember those days na lagi akong mother. Kapag mother ka, ise–save mo ang mga kagrupo mo. Kapag mother ka, sa iyo nakasalalay ang laro nila hahaha. Ganoon naman talaga sa tunay na buhay hindi ba? Gagawin ng isang ina ang lahat upang maisalba lamang ang kaniyang mga anak hahaha, hugot na hugot!” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “May kung ilang beses kaming hinabol ng pamalo ng mga tunay naming nanay dahil imbes na tumulong sa mga gawaing-bahay kapag hapon, hayun, nasa labasan kami at naglalaro ng mga ganiyan. Those were the days. Ngayon kasi nakakatamad nang gawin iyan. Bukod sa sobrang init sa labas, puro gadgets na mga bata.”

Ang larong Ten–Twenty ay isang uri ng larong pangkalye na ginagamitan ng chinese garter o ng gomang pinagdugtong-dugtong. Itatali ang garter o goma sa paa ng dalawang kalahok para makabuo ng dalawang tuwid na linya na tatalunin naman ng unang manlalaro. Ayon sa mga historyador, maaaring ang laro ay halaw mula sa sayaw nating “Tinikling”.

Public Domain Image

Sa bawat koponan o pangkat ay may tatlong katao pataas kung saan ang dalawang taya ay siyang magsusuot ng chinese garter na siya namang tatalunan ng mga manlalaro.

Ang manlalaro ay bibilang ng 10 sa una nitong talon. Pagkalipat sa talon sa kabila, ito ay bibilang ng 20. Papalit-palit hanggang makarating ng bilang 40. Pagdating sa bilang 50, ang dalawang paa ay dapat nasa labas ng garter. Ang susunod naman ay lulundag ito paitaas para maipasok sa loob ng garter ang dalawang paa. Ito ay bilang 60.

Ang bilang 70-80-90 ay kakatawanin ng pagkiskis ng dalawang talampakan paabante at paatras sa lapag ng kalsada. Kapag dumating ang bilang 100, tatalon ang manlalaro at kailangan niyang apakan ang dalawang linya ng garter upang matapos ang laro.

Loading…