Netizen ‘kinatakutan’ ang mga pasaherong nakasakay sa jeep na may disenyo para sa social distancing

  • Pabirong ‘kinatakutan’ ng isang netizen ang larawan na nagpapakita ng loob ng isang jeepney sa Pampanga
  • Makikita kasing may mga plastic dividers na ito bilang pagtalima sa social distancing
  • Sa pagtanaw mula sa labas, nagmistulang mga ‘kaluluwa’ ang mga pasaherong nakasakay rito dahil natatakpan ng plastic

Sa nalalapit na pagtatapos ng pinalawig na Enhanced Community Quarantine sa ilang mga lugar sa Luzon, at ang iba naman ay nasa General Community Quarantine, nagsisimula na ang adjustment para sa tinatawag na “New Normal” o mga bagong gawi o kilos na kailangang ikonsidera upang maiwasan ang posibleng paglala ng sitwasyon kaugnay ng COVID–19 pandemic.

Isa sa mga agad na nagkaroon ng adjustment ang mga pampublikong transportasyon, gaya ng mga jeepney. May ilang mga jeepney drivers ang agad na naglagay ng mga partition sa upuan ng kanilang mga jeepney upang makatalima pa rin sa social distancing.

Imahe mula sa Facebook

Subalit isang netizen ang tila pabirong nahintakutan sa isang larawan kung saan makikitang mukha nga namang kaluluwa ang mga pasaherong natatakpan ng mga plastic dividers na nagsisilbing partition habang nasa loob ng jeepney. Kuha ito mula sa San Fernando, Pampanga.

Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens.

“Ay oo nga no? Hehehe. Iyan na ang tinatawag na new normal. Mas ok na iyan, ang mas nakakatakot yung mahawahan ka ng isa pang elemento na hindi nakikita, hindi multo o ligaw na kaluluwa, kundi yung COVID–19,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “I don’t think effective yung ganiyan, kasi magkakatabi rin naman kayo. Sana ilimit din talaga ang bilang ng mga pasahero na puwedeng sumakay sa isang dyip. At dahil diyan, humanda na ang mga commuters dahil baka maging cause ito ng pagka–late sa mga papasok sa trabaho o school.”

Ayon kay City Public Order and Coordinating Office o CPOSCO Chief Louie Clemente, susundin ng lungsod ang mga alituntunin mula sa Department of Transportation kung saan kalahati lamang sa seating capacity ng jeepney ang papayagang mapunan ng mga pasahero. Bagama’t aminadong hindi umano sasapat ang kita nila sa ganitong sistema, mas mainam naman umano ito kaysa sa 100% na hindi makapamamasada ang mga jeepney drivers.

Public Domain Image

Loading…