Netizen may panawagan sa pamahalaan tungkol sa seafarers na hindi makauwi at makababa mula sa mga barkong nasa Manila Bay

  • Nananawagan ngayon ang ilang seafarers na stranded sa Manila Bay
  • Isang buwan na raw nang kuhanan sila ng swab test ngunit wala pang resulta
  • Tambak na rin umano ang cruise ships sa daungan at nasa libo na ang mga manggagawang gusto nang makauwi

Naging mahigpit ang pagpasok at paglabas ng mga biyahero sa bansa nang umiral ang lockdown sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa pandemic. Maging ang mga overseas Filipino workers (OFW) mula sa ilang cruise ship ay kailangang dumaan sa matinding pagsala upang hindi makahawa kung may dala man silang virus.

Ngunit sa isang Facebook post, isang panawagan ang ginawa ni Maire Cortez Hilario sa pamahalaan upang mabigyan ng tulong ang mga seafarers na hindi makababa sa barko at makauwi sa kanilang pamilya sa loob ng halos isang buwan na.

Larawan mula sa Facebook post ni Maire Cortez Hilario

Ayon kay Maire, noong April 17 pa raw nakadaong ang isang barkong naglalaman ng mga marino. Sumailalim naman daw ang mga ito sa swab testing ngunit hanggang sa ngayon ay wala pa ring resulta. Dahil dito, hindi makauwi ang mga seafarers kahit tapos na ang 14 days na quarantine dahil wala pa ang swab results.

At mula noong Abril 17, mas dumami pa ang mga barkong dumaong sa Manila Bay. Ayon kay Maire, nasa 20 cruise ships na ang nasa daungan, maliban pa sa mga cargo at iba pang barko. Umabot na raw sa Mayo ngunit kahit isa sa kanila ay wala pang nakabababa at nakauuwi.

Panawagan ni Maire kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa ilan pang sangay ng pamahalaan, sana raw ay matulungan na sila dahil mayroong 300 na Pinoy sa loob ng bawat cruise ship. Hindi na raw maibsan ng ilan ang pagkalumbay sa ilang linggong pananatili sa cruise ship.

“Paumanhin po sa Pangulo kung nakakadagdag po kami sa inyong alalahanin. Alam po namin na marami na kayong kinakaharap sa ngayon. Ang hiling lang po sana namin at pakiusap ay ang mabilisang paglabas ng resulta ng aming mga swab test at kami ma-disembark na at makauwi sa aming mga pamilya,” saad ni Maire sa kanyang post.

Larawan mula sa PNA

Dagdag pa ni Maire, nag-aalala na siya sa kalagayang mental ng iba nilang kasama. Hindi niya raw alam ang kinahaharap ng mga ito o kung paano tinatanggap ang kanilang sitwasyon kaya naman bago raw mahuli ang lahat, sana raw ay matulungan na sila.

Patuloy ding ibinabahagi ng mga netizens ang post ni Maire upang makarating sa kinauukulan. Mayroon nang 3,000 reactions at 3,700 shares ang nasabing post.

Loading…