Netizen nanawagang iangat at ipagmalaki ang teatrong Pilipino

  • May panawagan ang isang netizen hinggil sa teatrong Pilipino
  • Iangat at ipagmalaki raw ito at bigyan ng pagkakataong mapansin at mapahalagahan ng mas nakararami
  • Pumatok kasi sa lahat ang re–run ng musical play na “Ang Huling El Bimbo” na nagtatampok sa mga sumikat na awitin ng bandang Eraserheads

Kamakailan lamang ay pinag–usapan at naging trending sa social media platforms ang pagpapalabas ng sumikat na musical play na “Ang Huling El Bimbo”, na hango mula sa sumikat na awitin ng bandang Eraserheads, na pinangungunahan ni Ely Buendia.

Dahil dito, umigting ang “natutulog” na interes ng nakararami sa kagandahan ng tanghalan o teatrong Pilipino, na muling binuhay ng pagpapalabas sa online platforms ng ABS–CBN Entertainment sa pamamagitan ng YouTube channel. Kaya naman, isang netizen na nagngangalang “Diane Martinez” ang nagpahayag ng kaniyang saloobin hinggil dito sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Diane Martinez

Ayon sa kaniyang caption, “Seeing the impact of ‘Ang Huling El Bimbo the Musical’, I think they should also let the public stream for other Filipino musicals such as ‘Rak of Aegis’, ‘I Do Bidoo Bidoo’, ‘3 Stars and a Sun’, etc. and witness how performing arts can become an avenue for showing the relevant social issues that our country is facing.”

Sa pagpasok umano ng iba’t ibang plataporma o daluyan ng entertainment gaya ng Netflix at marami pang iba, binabalewala na raw ang aktuwal na panonood ng mga pagtatanghal sa mga entablado ng tanghalan o teatro. O kaya naman, masyado na raw nagsasawa sa mga tipikal na banghay ng kuwento ng mga Pinoy drama o teleserye.

“With the rise of different entertainment platforms, I’ve seen how people ignored the presence of theater arts. Ew so boring, I mean duh we have Netflix naman (Rich kid kong friend, 2020). At narinig ko, they’re so fed up na daw sa mga cringy Pinoy telenovelas at TV dramas, Ugh, Pinoy works are such a disappointment. Hon, I tell you, give Filipino theater a chance,” aniya.

Panawagan niya, “The masses have so much more to see, and the Philippine theater has so much MORE to offer. Patuloy nating isigaw: I–ANGAT ANG TEATRONG PILIPINO!”

Imahe mula sa Facebook account ni Diane Martinez

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “I–angat ang TEATRONG PILIPINO! SALUDO ako sa inyong lahat. Ikinararangal kayo ng mamamayang Pilipinong katulad kong nagmamahal at nagpapahalaga sa kultura, sining at musika ng ating bansa. CONGRATULATIONS!”

Pakiusap naman ng isa, “Please let the Filipinos get a chance to watch these musical shows while we are in ECQ, especially the kids.”

Turan naman ng isa, “I agree on this one but we also have to support the Philippine theater by paying tickets… How much more their production cost? Iba pa rin kapag nanood sa mismong tanghalan.”

Kaya naman, kung sakaling matapos na ang suliranin hinggil sa COVID–19, tiyaking maranasang makapanood ng mga dula mula sa iba’t ibang mga tanghalan o teatro sa bansa. Isa na riyan ang Philippine Educational Theatre Association o PETA, Philippine Stagers Foundation, at Cultural Center of the Philippines o CCP.

Ang musical play na “Ang Huling El Bimbo” ay itinanghal noong 2018 sa Resorts World Manila, muling itinanghal noong 2019, at nagkaroon ng streaming online sa Facebook at YouTube channel nitong Mayo 8 at 9, 2020 para sa kampanyang “Pantawid ng Pag-ibig” ng ABS–CBN.

Loading…