Operasyon ng public transportation sa mga GCQ areas papayagan, bilang ng pasahero limitado

  • Papayagan nang mag-operate ang public transportation sa mga GCQ areas
  • Mananatiling suspendido ang operasyon ng public transportation sa mga ECQ areas
  • Hindi papayagan ng LTFRB ang pagtataas ng pamasahe sa kabila ng limitadong passenger capacity ng mga sasakyan

Papayagan na ang operasyon ng public transportation sa mga moderate at low-risk areas na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ) simula ngayong ika-1 ng Mayo, subalit lilimitahan ang bilang ng mga pasahero bilang pag-iingat.

Imahe mula sa Page One

Mananatili namang suspendido ang operasyon ng mga pampublikong sasakyan sa mga lugar na nananatiling nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) kung saan tanging mga sasakyan ng frontliners at mga essential workers ang papayagang bumiyahe.

“For ECQ, public transportation will remain suspended. Only transport for health workers and essential personnel are allowed. In contrast, under GCQ, there will be a gradual reopening of certain activities in the economy,”  sabi ni Transportation Undersecretary Artemio Tuazon.

Naglabas ng guidelines ang Department of transportation para sa mga pampublikong sasakyan sa ilalim ng GCQ. Ilan sa mga ito ang sumusunod:

  • Ang mga tsuper, konduktor at mga pasahero ay dapat nakasuot ng face masks
  • Hinihikayat ang automatic fare collection para limitahan ang close contact
  • Kung hindi maaari ang automatic fare collection, dapat magbayad bago sumakay ng sasakyan
  • Magsasagawa ng thermal scanning bago sumakay ang pasahero. Ang may lagnat ay hindi pasasakayin
  • Kailangan may foot disinfectant ang mga sasakyan
IMahe mula sa Star 8 Green Technology Corporation

Binigyang-diin ng DOTr na napakahalaga ang pagsasanay ng physical distancing sa mga pampublikong sasakyan upang maiwasan ang muling pagkalat ng coronavirus.

Batay sa guidelines, 50 percent lang ng kapasidad ng mga sasakyan ang papayagan. Ibig sabihin, ang 50-seater bus ay 25 pasahero lang ang maaaring isakay at ang 20-seater jeepney ay sampu lang ang puwedeng isakay na pasahero.

Ang mga taxi at ride-hailing services ay isa lang ang maaaring isakay na pasahero, samantalang sa mga UV Express ay dalawang pasahero sa bawat hanay.

Sinabi ng hepe ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na si Martin Delgra na hindi papayagan ang pagtataas ng pamasahe sa kabila ng limitadong passenger capacity, pero may plano silang magbigay ng stimulus package sa transportation sector para sa nawala nilang income.

Imahe mula sa IATF/DOTr

Loading…