Ospital pansamantalang isinara dahil sa pasyenteng buntis na hindi nagsabi ng kanyang COVID-19 exposure

  • Ospital ng Malabon isinara muna matapos magpositibo sa COVID-19 ang pasyenteng nanganak
  • Hindi nagsabi ng buong katotohanan ang buntis nang interview-hin ito tungkol sa posibilidad na na-expose siya sa taong may COVID-19
  • Ang pasyente ay residente ng isang barangay na naka-total lockdown dahil sa COVID cases sa kanilang lugar

Natigil ang operasyon ng ilang klinika sa ilalim ng OB-Gyn at pediatrics departments, at maging ang delivery at surgical operations matapos isara ang 2nd floor ng Ospital ng Malabon upang magsagawa ng disinfection dahil nagpositibo sa COVID-19 ang isang pasyenteng nagsilang ng sanggol doon.

Imahe mula sa Facebook page ng Ospital ng Malabon

Mananatili itong nakasara hanggang sa May 25.

“’Yun pong buong second floor kung sa’n makikita ‘yung Pedia, OB Gyne, Operating Room, ay isinara po muna pansamantala. Bubuksan po ‘yun sa Lunes at dini-disinfect po ngayon,” pahayag ni Malabon Public Information Office chief Bong Padua.

Ayon kay Padua, hindi nagsabi ng buong katotohanan ang buntis nang interview-hin ito tungkol sa posibilidad na na-expose siya sa taong may COVID-19.

“Tinanong din siya, ‘Exposed ka ba sa taong may COVID?’ Ang sabi niya hindi. ‘Ikaw ba ay may nararamdaman?’ ‘Wala kong nararamdaman.’ So, lahat na ng tanong para kung malaman mo kung may COVID ang isang tao o wala ay medyo nagsinungaling siya,” wika ni Padua.

Dahil may pagdududa ang mga doktor ay iIsinailalim sa rapid testing ang pasyente at nagpositibo ito sa COVID-19.

Imahe mula sa Pusong Malabonian Facebook page

Sinabi ni Malabon City Mayor Antolin Oreta na hindi sinabi ng pasyente sa interview na ang kanilang barangay sa Caloocan – Barangay 12 – ay naka-total lockdown dahil sa COVID-19 cases sa kanilang lugar.

“Ikinalulungkot naming ibalita na kailangan natin muling isara ang ilang operasyon sa Ospital ng Malabon dahil sa isang pasyente mula sa Brgy. 12, Caloocan na nagsilang ng sanggol ngunit hindi umamin habang ini-interview sa ospital na ang kanilang barangay ay naka-complete lockdown dahil sa mga kaso ng COVID-19 cases at may possible exposure siya sa virus,” anang alkalde.

Ayon kay Mayor Oreta, plano nilang sampahan ng kaso ang pasyente dahil sa pagsisinungaling nito.

Imahe mula sa Facebook page ni Mayor Lenlen Oreta

Loading…