Pagbabawal sa senior citizens at buntis na sumakay sa LRT at MRT hiniling sa DOTr na pag-aralang muli

  • Pagbabawal sa senior citizens at buntis na sumakay sa MRT at LRT dapat pag-aralang muli
  • Umapela ang CHR sa ginawang pagbabawal ng DOTr na sumakay sa tren ang mga matatanda at nagdadalantao kapag nasa GCQ na ang Metro Manila
  • Iminungkahi ng CHR ang mahigpit na pagpapatupad ng social distancing upang maproteksyunan ang lahat sa impeksyon

Umapela nitong Biyernes, ika-8 ng Mayo, ang Commission on Human Rights (CHR) sa Department of Transportation (DOTr) na pag-aralang muli ang patakaran na bawal pasakayin sa Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) ang mga senior citizens at buntis sakaling ilagay sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila.

Imahe mula sa DOTr

“We appeal to the Department of Transportation to revisit this policy,” pahayag ni CHR Commissioner Karen Gomez-Dumpit na nagsabi pang ang pagbabawal ay maaaring discriminatory.

Ang pagbabawal na sumakay sa tren ang mga matatanda at nagdadalantao na patakarang inilabas ng DOTr ay batay sa guidelines ng Department of Health.

Sa nasabing guidelines, ang mga senior citizens (60 years old pataas), ang mga buntis at mga kabatang edad 20 pababa ay kailangang manatili sa loob ng kanilang mga tahanan kahit nasa ilalim na ng GCQ ang Metro Manila. Ito ay dahil mas susceptible daw sila na kapitan ng COVID-19.

May exceptions naman na ibinigay ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases. Maaari silang lumabas kung kinakailangan ng pagkakataon, tulad halimbawa na wala silang ibang mautusan na bumili ng mga pangangailangan o kaya naman ay kailangang magtrabaho.

Ayon pa kay Commissioner Dumpit, ang MRT at LRT lines ay major transportation options. Kung pagbabawalan silang sumakay sa tren ng mga ito ay nahaharang ang kakayahan nilang makabili ng mga pangunahing pangangailangan o maghanapbuhay.

Sa halip na pagbawalan silang sumakay sa tren ng MRT at LRT, iminungkahi ni Dumpit na ipatupad na lang nang mahigpit ang social distancing. Sapat na umano iyon upang lumiit ang tsansa na magkakahawahan ang bawat isa sa mga impeksyon.

Iminungkahi rin niya na magkaroon ng eksklusibong bagon para sa senior citizens at mga buntis at mahigpit na ipatupad ang mga priority lanes para sa kanila.

Imahe mula sa DOTr

Loading…