Pagkaing pang-forever: Nakakain ka na ba ng tinapay na “pag-ibig” o “sweet heart”?

  • Trending ngayon sa social media ang isang tinapay dahil sa kakaibang pangalan nito
  • Tinatawag kasi ito bilang ‘pag-ibig’ at ‘sweet heart’ habang ‘lakas’ naman daw ito sa CALABARZON
  • Dahil sa pangalang may kinalaman sa l0ve, nais na tuloy ng mga netizens na pakyawin ang mga ito

Bahagi ng bawat almusal at meryenda ng mga Pilipino ang tinapay. Maraming naimbentong tinapay na talaga namang pasok sa panlasa ng marami. Ngunit maliban sa masarap na lasa, tumatatak din sa marami ang mga tinapay na gawang Pinoy dahil sa kakaibang pangalan ng mga ito.

Sa isang Facebook post, napa-sana all ang mga netizen at gusto nilang pagkayawin ang isang uri ng tinapay dahil sa pangalan nito.

Sa larawang in-upload ng page na Sadsh8t na orinihal na kuha ni Ian Carl Tapnio, makikita ang tig-dos pesos na tinapay na kung tawagin ay ‘pag-ibig.’

Larawan mula kay Ian Carl Tapnio via Sadsh8t FB page

Dahil maraming netizens ang naghahanap ng ‘forever’ nila, sabi nila ay bibili na lang daw sila ng tinapay na ito para naman magkaroon sila ng ‘pag-ibig.’ Marahil ay nakita mo na sa mga panaderya ang tinapay na ito na isang tila pahabang mamon na mayroong puting cream sa taas.

Pero ayon sa mga nagkokomento, may isa pang matamis na tawag sa tinapay na ito. Sa ibang lugar, tinatawag din ito bilang ‘sweet heart’ dahil daw sa matamis na lasa nito. Sa katunayan, mas sikat nga raw ito bilang sweet heart bread kaysa sa pangalang ‘pag-ibig.’

May iba pa raw bersiyon ng tinapay na ‘pag-ibig.’ Nilalagyan pa raw ito ng candy sprinkles sa taas kung mas espesyal ang itinitinda sa panaderya. Pero sa Timog Katagalugan, ang tawag daw nila sa tinapay na ito ay ‘lakas.’

Gayunman, bumenta ang post ng Facebook page dahil sa agaw-pansing pangalan nitong may kinalaman sa damdamin ng mga netizen. Mukhang marami ang l0veless kaya naman dumagsa ang reactions, comments, at shares. Mayroon na itong 11,000 reactions, 6,200 comments, at 52,000 shares habang isinusulat ang istoryang ito.

Larawan mula sa komento ni Lester Salvador Don Diego

Hindi nagpahuli ang mga witty comments ng netizens. Ayon sa ilan, pakibalot na raw lahat ng tinapay na ‘pag-ibig’ dahil desperado na raw siya. Sabi naman ng ilan, nagpapakahirap silang maghanap ng pag-ibig gayong mura lang naman pala itong mabibili.

Ang ilan naman, kahit daw may tunay na pag-ibig na, patuloy pa rin daw bumibili ng tinapay na ito dahil masarap daw talaga ito lalo na kung ipapares sa mainit na kape.

Wala ka bang pag-ibig o sweet heart? Aba, sugod na sa pinakamalapit na panaderya!

Source :

Facebook, YouTube

Loading…