Palakasan sa panahon ng sakuna? DILG inulan ng reklamong inuuna ng barangay officials ang mga kaalyado at kaanak

  • Sinabi ni DILG Usec Martin Diño na maraming reklamo sa ahensiya nila tungkol sa palakasan sa SAP
  • Mas inuuna raw kasi ng ilang barangay officials ang kanilang mga kaanak at kakilala
  • Maliban dito, marami pang anomalya umano ang naiuulat sa kanila na iniimbestigahan na ng DILG

Tahasang inihayag ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na marami silang reklamong natatanggap patungkol sa mga barangay official na mas inuuna ang palakasan sa pamimigay ng ayuda mula sa pamahalaan.

Ayon sa isang pahayag ni Diño, una raw sa linya ng ilang barangay ang mga kaalyado at kaanak ng mga opisyal sa social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Pinipili raw ng mga opisyal, lalo na ang mga barangay captain, ang mga malalapit sa kanya.

Larawan mula sa PTV

“’Yan ang mga reklamo sa atin. Yun daw pinipili ni kapitan puro kamag-anak, puro kaalyado,” pahayag ni Diño sa DZBB.

Mayroon din naman daw mga opisyal na bumubulsa pa ng kanilang porsiyento sa ayuda at kulang na ang ibinibigay sa mga mamamayan. Mayroon daw kumakaltas ng P500 hanggang P2,000 mula sa SAP. Ito raw ay ‘processing fee’ na hindi naman awtorisado ng DSWD.

Ang modus naman daw ng ilang barangay, gumagamit daw ang mga ito ng lumang sensus upang makontrol ang dami ng mabibigyan. Dahil dito, may mga reklamo rin na hindi nakasama ang ilang bagong salta sa listahan ng mabibigyan ng SAP.

Labag din daw sa batas at panuntunan ng DSWD ang paghahati ng kabuuang pondo ng isang barangay sa SAP upang mabigyan lahat. Kung ano raw ang itinakda ng DSWD na halaga ng makukuha, depende sa rehiyon, ay iyon ang dapat matanggap ng isang pamilya.

Larawan mula sa PNA

Pagbabanta ni Diño, dapat daw ay umayos ang mga barangay officials. Pinapaalala niya sa mga ito na ang pondong ito ay para sa mga mamamayan at hindi para sa kanila o sa kanilang mga kaalyado at kaanak lamang.

Dagdag pa ni Diño, dapat daw ay siguruhin ng bawat barangay na maayos ang kanilang pamamahagi ng SAP at natutupad pa rin ang social distancing, May mga reklamo din umano na hindi organisado ang pamamahagi ng ilang barangay na mas banta sa pagkalat ng virus.

Ginagawa naman daw ng DILG ang lahat upang masigurong matutugunan ang libo-libong reklamong natatanggap nila. Mayroon na lamang hanggang Mayo 7 ang bawat barangay na ibigay ang ayuda mula sa DSWD.

Loading…