Pamahalaan, hindi na magbibigay ng ayuda para sa buwan ng Hunyo

  • Hindi na magbibigay ng ayuda ang pamahalaan para sa buwan ng Hunyo
  • Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, isasailalim na kasi sa GCQ ang bansa
  • At bubuksan na ang maraming industriya kaya’t makapagtatrabaho na ang mga mamamayan

Hindi na magbibigay ang pamahalaan ng ayuda sa mga mamamayan para sa buwan ng Hunyo dahil isasailalim na sa general community quarantine ang bansa, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Imahe mula sa PCOO

Nasabi ito ni Roque makaraang ilagay ng IATF sa GCQ ang Metro Manila, Pangasinan, Cagayan Valley,  Central Luzon, CALABARZON, Central Visayas, Cebu City, Mandaue City, Zamboanga City at Davao City. Samantalang modified GCQ na sa nalalabing parte ng bansa.

Nabanggit ng spokesperson na bubuksan na ang karamihan sa mga industriya sa ilalim ng GCQ kaya’t makapagtatrabaho na ang maraming mamamayan.

Aniya, “Itong buwan ng Hunyo, dahil tayo ay nasa GCQ na, ay wala pong ayuda.”

Karagdagan, nilinaw nito na maaari pa ring makatanggap ng subsidiya ang mga lugar na isasailalim sa enhanced community quarantine batay sa desisyon ng lokal na pamahalaan.

“Meron pa ring mga barangays, mga zona, mga building, mga subdivision na pwede pong ma-subject to ECQ pa rin, sang-ayon sa mga order ng city mayors ng mga highly-urbanized cities.

“Meron din pong mga munisipyo at mga component city na pwedeng ilagay under ECQ sa order po ng gobernador. Sa parehong pagkakataon po, kailangan meron pag-sang-ayon ng local na IATF.”

Samantala, tuloy pa rin ang pamamahagi ng ikalawang bahagi ng ayuda para sa mga nakatanggap na sa first tranche ng SAP na nasa-ilalim pa rin ng ECQ ang kanilang lokasyon noong Mayo.

Imahe mula sa Bombo Radyo

Makatatanggap din ang limang milyon na karagdagang mabibigyan ng ayuda alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabigyan ang mga nangangailangan na hindi nailista sa unang 12-milyon pamilya ng SAP.

Mandato ng Bayanihan To Heal As One Act, ang SAP ay ayuda mula pamahalaan para matulungan ang mga Pilipinong higit na nangangailan ng pera sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Imahe mula sa Medscape

Loading…