Pamamahagi ng ayuda sa isang barangay sa Bulacan, pinagkaguluhan

  • Namahagi ng SAP cash assistance ang mga tauhan ng DSWD sa isang barangay sa San Jose Del Monte City Bulacan
  • Ang problema, tila hindi na nasunod ang social distancing sa pagdagsa ng mga recipients, na karamihan ay matatanda pa
  • Marami sa nga netizens ang nanawagan sa DSWD na mas ayusin pa ang kanilang sistema sa pamamahagi nito upang maiwasan ang paglabag sa mga direktiba ng ECQ

Tila hindi nasunod ang “social at physical distancing” na ipinatutupad kaugnay ng Enhanced Community Quarantine sa isang barangay sa Bulacan, matapos magpamahagi ng cash assistance ang Department of Social Welfare and Development o DSWD.

Kaugnay ng kanilang Social Amelioration Program o SAP, ibinahagi sa Facebook post ng nagngangalang Nerissa Nobleta ang sitwasyon sa pagdagsa ng mga tao upang makakuha ng ayuda, na isinagawa sa Barangay Minuyan Proper sa San Jose Del Monte City, Bulacan. Ang mga larawan ay kuha umano ng kaniyang kapatid na kasamang nakipila at nakiumpok sa naturang lugar.

Imahe mula sa Facebook account ni Nerissa Nobleta

Ayon sa caption ng post ni Nerissa, wala raw mga pulis o sundalo na umaasiste at naninigurong nasusunod ang social distancing sa pamamahagi ng ayudang pinansyal. Nanawagan tuloy siya sa mayor ng San Jose Del Monte City na si Mayor Arthur Robes.

“Mayor Arthur Robes, nananawagan po ako sa inyo, nagkakagulo na raw po ang mga tao sa Brgy. Minuyan Proper, wala raw pong mga pulis at sundalong nakabantay… Parang awa n’yo na po marami po ang mapapahamak…
Kuha po ‘yan ng kapatid na naroon sa area,” ayon sa caption ng post.

Inulan naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens.

“Walang social distancing, tunay na paglabag sa ECQ at hindi mo masisisi mga kababayan nating pumunta sa naturang lugar dahil nagbabakasakaling mabigyan kahit na sila ay malagay sa panganib ng corona virus, sa kinauukulan po, sana po makaisip pa kayo nang mas maayos at organisadong pamamahagi ng SAP cash assistance,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Magkano ba pinamimigay diyan? Kapag nagka–COVID–19 kayo kulang pa ‘yan pambayad ninyo ng PPE sa magche–check sa inyo.”

Imahe mula sa Facebook account ni Nerissa Nobleta

“Bulok na sistema ang pinaiiral pa rin sa pamamahagi ng SAP, kung nagbahay-bahay sana ang mga tauhan ng DSWD katuwang ang PNP, eh di hayahay sana ang mamamayan at maiiwasan pa ang pagdagsa ng mga residenteng beneficiary nitong SAP, dahil sa sistemang ‘yan baka lalo pang lumobo ang bilang ng mga infected sa sakit,” pahayag naman ng isa.

Samantala, hindi naman nakumpirma kung wala talagang bantay na pulis o sundalo sa pamamahagi ng DSWD ng SAP cash assistance noong Mayo 4, 2020 sa naturang barangay sa Bulacan.

Loading…