Pamilya bago porma: Netizen, ibinida ang praktikal na mister

Imahe mula sa Facebook | Rosemarie Mojeca
  • Ibinida ng isang misis ang kaniyang asawa na laging inuuna ang pangangailangan ng kanilang pamilya bago ang luho
  • Kuwento niya, sa halip na motor ay bisikleta ang piniling kunin ng asawa dahil libre ito ng kaniyang boss at wala nang monthly payment na kailangang isipin
  • Paliwanag ng kaniyang asawa, nais niyang mabigyan ng magandang buhay ang kaniyang pamilya bago bumili ng mga luho

Hinangaan ng netizens ang isang mister na naging praktikal sa pagdedesisyon kung motor ba o bisikleta ang kaniyang kukunin sa kaniyang boss upang may magamit sa pagpasok sa trabaho.

Imahe mula sa Facebook | Rosemarie Mojeca

Kuwento ni Rosemarie Mojeca sa isang Facebook post, nagsabi ang kaniyang asawa na kukuha siya ng motor. Sagot naman daw ng kanilang boss ang down payment at sila na ang magbabayad ng monthly.

Ngunit laking gulat daw ni Rosemarie nang umuwi ang asawa na bisikleta ang dala.

Paliwanag ng kaniyang asawa, naisip niyang mas mabuting unahin na lang niya ang iba pang mga pangangailangan sa kanilang bahay dahil kung nakabisikleta ay 10 hanggang 15 minuto lang naman ang kaniyang bubunuin papunta sa trabaho.

Tanong ni Rosemarie, hindi ba siya mahihiya kung tanging siya lamang ang naka-bike sa kaniyang mga kasamahan.

“Mas nakakahiya yung makikipagsabayan ako sa uso o sa luho tapos ano, gutom naman kayo o kaya titipirin ko kayo sa mga needs ninyo para lang masabing may motor ako? Hindi na ako makakapag-concentrate sa trabaho nun,” sagot ng kaniyang mister.

Imahe mula sa Facebook | Rosemarie Mojeca

Dagdag pa ng kaniyang asawa, dahil bisikleta ang kaniyang binili ay wala na siyang kailangan pang alalahanin na buwanang hulog.

“At least may bike na ako, libre pa dahil sagot nila boss pinambili…Mae-exercise pa ako, at higit sa lahat, masisigurado kong maibibigay ko lahat ng needs ninyo ng anak natin,” sabi pa niya.

Dahil dito ay labis na humanga ang kaniyang asawa.

“Para sa akin, wala namang masama kung minsan ay unahin mo rin ang sarili mo. ‘Wag puro kami, Dad. Pero aaminin ko, sobrang proud ako sa iyo. Never kang nakipagsabayan sa kahit kanino. Napaka-humble mo pa rin…kaya siguro tuluy-tuloy rin ang blessings na natatanggap mo kasi kaming pamilya mo ang priority mo,” ani Rosemarie.

Source :

Facebook

Loading…