Pamilyang nakatira sa tricycle inulan ng tulong mula sa netizens

Imahe mula sa Facebook | Bernadette Reyes
  • Malaki ang pasasalamat ng isang pamilyang nakatira sa tricycle sa natatanggap na tulong mula sa netizens
  • Iniulat ng isang GMA reporter ang kalagayan ng pamilya ni Mang Joel na pinaalis sa inuupahan dahil wala nang pambayad
  • Kahit dumidiskarte sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga karton ay hindi pa rin ito sapat upang masuportahan ang kanilang mga pangangailangan

Inulan ng tulong mula sa netizens ang isang pamilyang nakatira sa tricycle ngayong may umiiral na enhanced community quarantine dahil hindi na nila kayang magbayad ng upa.

Imahe mula sa Facebook | Bernadette Reyes

Binalikan ng Kapus0 reporter na si Bernadette Reyes ang pamilya ni Mang Joel sa Recto corner Abad Santos sa Divisoria upang iabot ang tulong mula sa isang Pilipinong nakatira sa ibang bansa.

Sa unang pagkakataon ay nakita ng reporter na nakangiti ang padre de pamilya nang iabot niya ang tulong na naglalaman ng damit, bigas, canned goods, noodles, gatas, at ibang mga pangunahing pangangailangan nilang mag-anak.

Una nang ibinahagi ni Mang Joel na hangga’t maaari ay ayaw niyang manlimos kaya kahit mahirap ay dumidiskarte pa rin siya sa pamamagitan ng pagpupulot ng mga karton upang ibenta sa junk shop.

Ngunit nang tanungin ni Bernadette kung magkano ang kinita ni Mang Joel isang linggo matapos nilang magkita, sinabi niyang P44 lamang. Sa tulong ng iba pang netizens ay nakaraos naman ang pamilya.

Imahe mula sa Facebook | Bernadette Reyes

Maging si Bernadette ay malaki ang pasasalamat sa mga netizens na hindi nag-atubiling tumulong sa kapwa nilang nangangailangan.

“Nakatutuwa namang isipin na ito, may mga nagpahatid ng tulong. Kasi ako, sa abot ng makakaya ko, gusto ko ring tumulong. Pero ang dami ring humuhingi ng tulong kaya nakatutuwa na ‘yung mga hindi ko na mabigyan, may ibang tumutulong,” aniya sa video na kaniyang ibinahagi sa Facebook.

Samantala, nagpasalamat din si Mang Joel sa netizens at sinabing malaking tulong ang kanilang iniaabot para sa kaniyang pamilya.

Dahil walang valid ID si Mang Joel ay si Bernadette na raw muna ang tatanggap at maghahatid ng tulong para sa pamilya.

Loading…