Pananaw ng isang lolo sa mga nangyayari dahil sa pandemya: “Wala naman kaming babalikang normal na pamumuhay”

  • Trending ngayon sa social media ang larawan at pahayag ng isang matandang naninirahan sa kalye
  • Ayon sa kanya, kahit daw bumalik sa normal ang lahat, wala naman daw silang babalikang normal na pamumuhay
  • Marami namang napagtanto ang mga netizens sa pahayag na ito ng matanda tungkol sa pandemya

Marami sa atin ang sabik nang matapos ang lahat ng nangyayari sa bansa dulot ng pandemya. Marami ang gusto nang muling makapagbakasyon at makapunta sa iba’t ibang lugar. Ang ilan naman ay sabik nang magtrabahong muli at kumita ng pera. Pagbabalik-eskwela naman ang gusto ng mga mag-aaral at mga guro.

Ngunit sa isang viral na post sa Facebook, napagtanto ng maraming netizen na hindi naman pala lahat ay sabik na bumuti ang lagay ng mundo at mawala na ang pandemya. Isang lolo ang nagpamulat sa kanila na hindi nga pala pare-pareho ang sitwasyon ng bawat isa.

Larawan mula sa Facebook post ni Jaja Necosia

Sa post ni Jaja Necosia sa kanyang account, makikita ang larawan ng isang matandang lalaki na si Tatay Celso. Kumukain ang matanda ng kanin sa isang supot. At dito ay nakausap siya ng uploader. Ipinahayag ng matanda ang kanilang kalagayan na hindi naman daw normal kahit walang C0VID-19.

Kahit daw maalis na ang umiiral na lockdown, kahit daw may makuhang bakuna para sa virus, hindi naman talaga magiging normal ang pamumuhay nina tatay na walang maayos na tahanan at sa bangketa lamang naninirahan.

“Wala naman kaming babalikan na normal dahil simula pa lang hindi na kami namumuhay nang normal,” pahayag daw ni Tatay Celso ayon sa post ni Jaja.

Larawan mula sa PNA

Dahil sa masaklap na katotohanang naibulalas ng matanda, maraming netizens ang nahabag sa kalagayan nito. Kita ito sa nakuhang reactions ng post na umabot na sa 6,700 na karamihan ay ‘sad.’ Mayroon din itong halos 8,000 shares habang isinusulat ang istoryang ito.

Ayon sa ilang nagkokomento, isang pasanin daw talaga para sa mga walang maayos na tahanan ang pandemya dahil sa panawagan ng pamahalaan na stay at home na hindi naman nila magawa dahil wala naman silang bahay na uuwian.

Napagtanto naman ng ilan ang aral na gustong ipahiwatig ng matanda—na sa ganitong panahon, dapat ay matuto tayong magpasalamat sa mga simpleng bagay na mayroon tayo dahil ang simpleng pag-aaring ito ay malaking bagay na para sa iba.

Loading…