Pangmalakasan: Larawan ng malalaking tinapay na sakay ng isang motor, nagpasaya at nagpatakam sa netizens

  • Trending sa social media ang larawan ng malalaking tinapay na angkas ng isang motor
  • Iba’t ibang biro ang komento ng mga netizens sa mga gahiganteng tinapay
  • Ang ilan naman, nagdedebate kung orihinal o edited ang mga larawang iyon

Ngayong nasa bahay lang ang karamihan ng mga Pilipino, madalas ay problema natin ang kakainin sa oras ng meryenda. Buti na lamang at mayroong mga relief goods na ipinamahagi ang ilang local government units (LGUs) na puwede nating lantakan kapag nagugut0m na.

Madalas na bahagi ng mga ayuda ay ang tinapay. Mula sa mga kilalang brand ng tinapay tulad ng mamon at fluffy bars, hanggang sa mga plain na tinapay o walang flavor gaya ng tasty at buns, ay ipinamimigay bilang panlaman tiyan ng mga naayudahan.

Larawan mula sa re-upload ng FB page na Bicol Weather Updated

Pero ang pagkatakam ng mga netizens sa tinapay ay literal na dumoble at lumaki dahil sa larawang kumakalat sa social media. Nire-upload ng Facebook page na Bicol Weather Update ang larawan ng isang motorista na may sakay-sakay na pagkalalaking mga tinapay.

Nakasabit sa likurang bahagi ng motor ang napakaraming tinapay na ubod ng laki. Ayon sa ilan, ito raw ang tradisyonal na tinapay na baguette. Dahil sa laki ng mga tinapay ay halos sumayad na sa lupa ang ilang piraso nito.

Biro pa ng nag-post, kapag daw nabigyan ka ng ganito kalaking tinapay ay maaari na raw itong magkasya para sa isang pamilya sa loob ng isang buwan. May ilan ding nagkomento na maraming palaman din ang kailangan para maipares sa tinapay na ito.

Ayon sa ilang uploader sa internet, hindi sa Pilipinas kuha ang larawan kung hindi sa isang bansa sa Latin Amerika. Hindi rin nila matukoy kung edited ba ang mga larawan o totoong nakapag-bake ng ganito kalaking tinapay ang panaderya.

Larawan mula sa re-upload ng FB page na Bicol Weather Updated

Pahayag kasi ng mga netizens, parang imposible naman daw na makagawa ng ganito kalaking tinapay at maipasok sa oven dahil karaniwang maliliit hanggang sa katamtaman lang ang laki ng mga hurnuhan ng mga panaderya.

Ngunit posible ito, ayon sa isang panadero mula sa Ho Chi Minh na napaulat na gumawa ng malalaking tinapay taong 2015 at tinawag itong giant banh mi. Kung natatandaan ninyo, ang mga unang panaderya ay may malalaki pugon kung tawagin, kaya’t posible ang malalaking tinapay.

Ngunit edited man ang larawan o hindi, ang mahalaga ay nakapaghatid ito ng ngiti sa maraming netizens na nakakikita ng larawan.

Imahe mula sa Thanhtienne News

Loading…