Pantasa ng mga rich kid: Nagkaroon ka ba ng pencil sharpener machine noong estudyante ka pa?

  • Binalikan ng mga batang 90s at 2000s ang nausong pantasa ng lapis noon
  • Pang-rich kid raw ito dahil may kamahalan ang presyo dahil mas madali itong gamitin
  • Pencil sharpener machine ang tawag dito na mas hi-tech kaysa sa tradisyonal na pantasa ng lapis

Tuwing magpapasukan, bukod sa first day ng eskwela ay excited ang maraming kabataan na mamili ng kanilang school supplies. Iba-iba ang puntahan ng mga mag-iina kapag bilihan na ng gamit. May ilan na sa sikat na bookstores namimili, may ilang sa palengke lang ang inabot ng budget.

Kaya naman pagdating pasukan, nagkakaalaman kung sino ang may extra budget para sa school supplies. At isa sa mga dapat mong tingnan ay ang pantasa ng lapis dahil siguradong ‘hi-tech’ ang pantasa ng mga kaklase mong may pera.

Larawan mula sa Freepik

Ito ang binalikan ng mga batang 90s at 2000s sa page na Ang Dekada 2000s sa Facebook. Ibinahagi ni Dominic V. Flores ang larawan ng isang pantasa na may opisyal na pangalan na pencil sharpener machine. Kung ang normal na pantasa ay isang maliit na plastic lamang na may talim, iba ang sistema sa pencil sharpener machine.

Mas malaki ito kompara sa karaniwang pantasa. Ipapasok lamang ang lapis sa nasabing machine at paiikutin ang handle upang matasahan ang lapis. Ang masaya pa, ang bahagi ng lapis na matatapyas sa pagtatasa ay mapupunta sa isang maliit na kaha sa ilalim.

Sa mas malinaw na paghahalintulad, para itong kayuran ng yelo na may nakaabang na lalagyan sa ilalim. Kapag napuno na ng pinagtasahan ang maliit na compartment sa ilalim, maaari na itong itapon. Ang ilan ay pinaglalaruan ang mga ito dahil sa magandang hugis na animo’y bulaklak kapag inikot.

Kapag may ganito ka noon, for sure na rich kid ka raw. Nasa mahigit isang daang piso kasi ang halaga nito kompara sa normal na pantasa na nagkakahalaga lang ng lima hanggang sampung piso. Dahil din daw sa pantasang ito, maraming batang 90s at 2000s ang excited maputol ang tasa ng kanilang mga lapis para magamit ang hi-tech nilang pantasa.

Larawan mula sa Teaching Trio via Ang Dekada 2000s page

“Teacher namin namin dati may ganito. Gustong gusto ko ‘pag napuputol lapis ko dati para makitasa sa kanya haha,” pag-alala ng isang netizen.

Ang mga bata noon na nag-oopisina  na ngayon, sinabing hindi man daw sila nagkaroon noon ng pencil sharpener machine ay mayroon naman daw sila ngayon nito sa kanilang office na ginagamit nila nang madalas.

Loading…