Paring patuloy sa pagmimisa kahit lubog sa tubig ang simbahan, hinangaan

Imahe mula sa Facebook | Fr. Mon Garcia III
  • Napahanga ang netizens sa isang pari na patuloy na nagdaos ng misa kahit pa lubog sa tubig ang simbahan
  • Kapistahan noon ng kanilang patron kaya naman sakay ng mga bangka ay dumalo ng misa ang mga mananampalataya
  • Hiling nila, sana ay patuloy na biyayaan ng magandang kalusugan ang pari na masigasig sa pagtupad sa kaniyang tungkulin

Hinangaan ng mga netizens ang patuloy na pagdaraos ng misa ng isang pari sa Sitio Pariahan sa Bulakan, Bulacan kahit pa lubog sa baha ang simbahan dahil sa high tide doon.

Imahe mula sa Facebook | Fr. Mon Garcia III

Ibinahagi ni Fr. Mon R. Garcia III ang ilang mga larawan mula sa misa bilang pagdiriwang ng pista ng patron nilang si Santa Cruz. Makikita rito na lubog ang altar kung saan nakatayo ang pari habang sakay naman ng bangka ang mga dumalo sa misa.

Ayon kay J. Escudero, nakabisita na siya sa lugar na iyon at kahit summer ay lumulubog talaga sila sa tubig kapag high tide. “Pero hindi hadlang iyon sa kanilang pananampalataya. Mababait at hospitable ang mga tao riyan. Wala akong masabi sa kanila,” pagbabahagi niya.

Nagpasalamat naman ang netizens kay Fr. Mon dahil kahit hindi nakiayon ang pagkakataon ay hindi nagpapigil ang pari sa pagdiriwang ng misa.

Imahe mula sa Facebook | Fr. Mon Garcia III

“Fr. Mon, saludo po ako sa dedikasyon ninyong maglingkod. Kayo po ang nagpapakita sa amin ng pagiging pastol. Mabuhay po kayo. Kasama po kayo sa aking ipinagdarasal,” komento ni E. Santos.

“Sa kabila ng lahat ay naidaos ang kapistahan sa tulong ng lahat ng naroroon at dahil sa sipag at tiyaga ni Fr. Mon. Pagpalain po kayo, Fr. Mon, sa lahat ng inyong sakripisyo,” sabi naman ni N. Ramirez.

Hiling naman ni Rox L., nawa ay patuloy na biyayaan ng malakas na pangangatawan ang pari upang maipagpatuloy niya ang paglilingkod.

“Walang anumang kondisyon ang makapipigil sa ating pananampalataya sa Diyos,” ani D. Bernardo.

Loading…