“Phenomenal loveteam returns”: Kalyeserye muling mapapanood sa Eat Bulaga

  • Muling i-eere ng Eat Bulaga! ang Kalyeserye
  • Kuwento ito ng pagmamahalan nina Alden at Yaya Dub
  • Nagbunyi ang mga tagahanga sa magandang balita

Mapapanood muli sa Eat Bulaga! ang nakakakilig na pagmamahalan nina Alden (Alden Richards) at Yaya Dub (Maine Mendoza) matapos magdesisyon ang pamunuan ng noontime show na i-replay ang sikat na segment nitong Kalyeserye.

Image capture of video by Eat Bulaga! via Facebook

Nag-post ang EB ng teaser nitong Biyernes kung saan makikita ang ilan sa mga pinasikat ng segment gaya ng “pabebe wave”, “weeksary” at paalala ni Lola Nidora (Wally Bayola). Naroon din ang katagang “Abangan.”

Kuwento ng Kalyeserye ang pag-iibigan nina Yaya Dub (nasa kalye) na sa una’y hindi makapagsalita at nagda-dubsmash, pabebe wave, o kaya’y nagsusulat para maihatid ang mensahe kay Alden (nasa studio).

Sa una’y ayaw ni Lola Nidora, amo ng yaya, ang pag-iibigan ng dalawa at inilabas pa nga ang “Book of Secrets” para ibahagi ang mga dahilan niya dito.

Sinubok din ng mga karakter gaya ni Frakie Arenolli (Jose Manalo) at Duhrizz (Wally) ang pagmamahalan ng dalawa.

Dahil sa kasikatan ng segment, naisagawa ang Tamang Panahon. Nasa 55,000 katao ang nagpunta sa Philippine Arena para panoorin ang unang pagkikita ng dalawa. Ang mga nalikom dito ay ginamit sa kawanggawa.

Nag-trending din ang #ALDubEBTamangPanahon na siyang binansagang “most used hashtag within 24 hours” sa Twitter.

Bunga ng Kalyeserye, umarangkada ang mga proyekto para kina Alden at Maine.

Nakagawa sila ng mga palabas sa telebisyon na “Destined To Be Yours” at bumida sa pelikulang “Imagine You and Me.”

Ngayong muling magbabalik ang Kalyeserye sa telebisyon, nagbunyi ang mga tagahanga at naging top-trending topic ang Kalyeserye sa Twitter nitong Biyernes.

Image capture of video by Eat Bulaga! via Facebook

Komento ng isa, “This is love. Nakakamiss ‘yung feeling habang pinapanood ito. Until now, ganoon pa rin ang pakiramdam ko eh.”

Dagdag pang komento, “Salamat Eat Bulaga! Balik Kalyeserye, sobrang happy ko.”

Image capture of video by Eat Bulaga! via Facebook

Loading…