Pilipinas nakatakdang magka-double digit jobless rate dahil sa recession dulot ng pandemic, ayon sa NEDA

  • Inihayag ng NEDA na humaharap ang bansa sa recession na magdudulot umano ng kawalan ng trabaho sa maraming Pilipino
  • Maaaring makamit ng Pilipinas ang pinakamataas na unemployment rate sa loob ng 15 taon
  • Nakahanda naman daw ang Pilipinas kung sakaling dumami nga ang mga Pilipinong mawawalan ng trabaho

Hindi lamang banta sa kalusugan ng mga mamamayan ang maidudulot ng pandemic na C0VID-19. Malaki rin umano ang magiging epekto nito sa ating ekonomiya na magdudulot pa raw ng pagkawala ng trabaho ng maraming Pilipino ayon sa mga eksperto.

Inihayag ng bagong head ng National Economic Development Authority (NEDA) na si Karl Kendrick Chua na mas palalalain ng pandemic ang recession na nararanasan ng bansa. Ayon kay Chua, sa unang quarter pa lamang ng taon ay bumagsak na ng 0.2 percent ang gross domestic product (GDP) ng bansa.

Larawan mula sa PNA

Mas pinangangambahan pa raw ng NEDA na mas malulugmok ito sa ikalawang bahagi ng 2020 dahil sa ginawang lockdown noong mga buwan ng Abril at Mayo. At kung babagsak ang ekonomiya, magdudulot ito ng unemployment rate na pinakamataas daw sa loob ng 15 taon.

“The textbook answer is yes we are, and this is something that all countries are going through… We hope to recover very soon once we open the economy in the coming months,” sagot ni Chua nang tanungin kung may recession na ba sa bansa.

Dahil dito, inaasahang lolobo ang unemployment rate sa bansa at mauungusan ang 8.4 percent na naitala noong 2005. Sa susunod na buwan ay maglalabas raw ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng ulat tungkol sa employment data.

Nakahanda naman daw ang pamahalaan kung sakaling magtuloy-tuloy ang pagkawala ng trabaho ng marami. Magbibigay raw ng wage subsidies at iba pang proyekto para mabigyan ng kabuhayan ang mga mamamayan.

Larawan mula sa Pexels

Sa inilabas na ulat ng Department of Labor and Employment (DOLE), nasa 2.5 milyong Pilipino pa rin daw ang may trabaho sa kabila ng umiiral na work suspension dahil sa quarantine. Marami din umano ang naka-work from home setup kaya naman tuloy pa rin ang kita ng ilan.

Sa unang estima ng NEDA, maaaring umabot sa P4 billion hanggang P1.36 trillion ang mawala sa ekonomiya ng bansa dahil sa epekto ng pandemic. Kasama rito ang epekto ng paghina ng turismo at remittances mula sa mga overseas Filipino workers (OFW).

Loading…