Pres. Duterte umuwi sa Davao City matapos maipit ng dalawang buwan sa Maynila dahil sa ECQ

  • Pangulong Duterte umuwi sa Davao City upang makapiling ang pamilya
  • Nilinaw ng PSG commander na sandali lang ang Pangulo sa Davao City
  • Babalik sa Maynila ang Pangulo para sa susunod na IATF meeting

Pagkalipas ng dalawang buwang pananatili sa Luzon dahil sa enhanced community quarantine (ECQ), umuwi sa Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte upang makapiling ang pamilya nang isailalim ang Metro Manila sa modified ECQ.

Imahe mula sa PCOO

Kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque na nasa Davao City na ang Pangulo. Ganito rin ang sinabi ni Presidential Security Group commander na si Colonel Jesus Durante III.

Ani Durante, hindi naman magtatagal sa Davao City si Pangulong Duterte. Muli siyang babalik sa Maynila para sa susunod na pakikipagpulong sa Inter-Agency Task Force (IATF) for the Management of Emerging Infectious Diseases.

“He is in Davao for a visit after more than two months of not being able to see his family,” pahayag ni Col. Durante.

“Ay, hindi po. Sandali lang po, sandali lang po. Alam ko po ay mayroong meeting na naka-schedule sa Malacañang ng Tuesday,” sagot ni Col Durante nang tanungin kung magtatagal sa Davao City ang Pangulo.

Ipinaalala ni Harry Roque na bagama’t pinayagang bumiyahe ang Pangulo, ang pagbibiyahe ay limitado pa rin. Papayagan lang ang pagbibiyahe kung importante.

Isinasaad ng omnibus guidelines on community quarantine na inilabas ng IATF kamakailan lang na ang mga government officials at government frontline personnel ay pinapayagang magtungo sa mga lugar na nasa ilalim ng kahit anong uri ng quarantine.

Imahe mula sa PCOO

Ang Davao City ay isinailalim na sa general community quarantine. Maaari nang bumiyahe ang mga pampublikong saksakyan kung saan mahigpit na ipatutupad ang physical distancing. Nilinaw ni Mayor Sara Duterte-Carpio na lilimitahan pa rin ang galaw ng mga tao at ang curfew ay patuloy na ipatutupad.

Source :

GMA Network

Loading…