Presyo ng Nokia 3210 sa lumang newspaper ad, umabot sa halos P10,000; sim card, isang libo naman ang halaga

  • Isang lumang ad sa diyaryo ng Nokia ang binalikan ng mga batang 90s
  • Namangha sila sa presyo ng Nokia 3210 na umabot sa halos P10,000
  • Ang sim card naman na P30 lang ngayon ay umabot sa isang libong piso ang halaga noon

Sa mundo ng makabagong teknolohiya, cellphone ang isa sa pinakamahalagang pag-aari ng mga mamamayan ngayon. Sa pamamagitan ng device na ito ay naisasakatuparan ang maraming mahalagang bagay katulad ng pagkonekta sa Internet.

Ngunit bago pa madomina ng smartphones ang ating mundo, una na munang minahal ng mga mamimili ang basic phones. Ito ang mga lumang modelo na mas kakaunti pa lamang ang function, kabilang ang pag-text message, pagtawag, at kaunting games.

Larawan mula sa Facebook post ni Carl Lrac sa FB Group na We Are 90’S

Sa isang post sa Facebook group na We Are 90’s, inalala nila ang presyo ng isa sa pinakasikat na basic phone ng kanyang panahon—ang Nokia 3210. Sa isang lumang newspaper ad, makikita ang mataas na presyo ng noon ay isa sa pinaka-advanced na device sa mundo.

Ipinagbibili ang unit sa halagang P9,890 o halos sampung libong piso. Noong mga panahong iyon, dahil sa kasikatan nito, lubhang tumaas ang presyo nito. Mga mayayaman lang talaga ang nakabibili nito, hanggang sa unti-unting bumaba ang presyo nito dahil may mas bagong units na lumabas.

Sa ad, makikita rin ang orihinal na presyo ng isang sim pack. Kung ngayon ay madaling makabili ng sim card sa murang halaga, noon ay kailangang may isang libong piso ka upang makabili nito. Ngunit karamihan naman sa binibiling cellphone noon ay may sim pack na at mayroon ding free text at free calls.

Maraming batang 90s at 2000s ang namangha sa orihinal na presyo ng Nokia 3210. Hindi pa raw kasi uso noon ang mga review at unboxing articles at videos kaya marami ang hindi alam ang orihinal na presyo ng mga cellphone na ito.

Larawan mula sa YouTube

Dahil nga raw sa halaga ng 3210, maaari mo pa raw itong isangla sa mga pawnshop, katulad ng halaga ng mga smartphones na mayroon tayo ngayon. Takaw-nakaw din daw ang mga ito kaya kahit may kalakihan ang Nokia 3210 ay madalas itong tagu-tago ng may-ari kapag nasa pampublikong sasakyan.

Ngayon daw ay naiintindihan na rin nila kung bakit maraming magulang ang nagagalit noon sa kanilang anak na nakikialam ng cellphone nila. Ayon sa mga ito, may kamahalan pala kasi talaga ang basic phone na ito, lalo na ang sim card kapag na-PUK.

Loading…