Pulis na nagbigay ng $100 sa rider, nakatanggap ng P100k mula sa anonymous donor

Imahe mula sa Facebook | Joshua Read at GMA News
  • Nakatanggap ng P100,000 ang pulis na nagbigay ng $100 sa isang estudyanteng GrabExpress rider
  • Sabi ng pulis, sakto ang dating ng biyayang ito dahil manganganak ang kaniyang asawa
  • Marami ang humanga sa frontliner dahil sa halip na bigyan ng ticket ay $100 ang iniabot niya sa sinitang GrabExpress rider na isa ring estudyante

Ngayong siya naman ang nangangailangan ay kusang lumapit ang biyaya sa isang pulis na nagbigay ng $100 sa isang estudyanteng GrabExpress rider.

Imahe mula sa YouTube | GMA News

Nakatanggap ng P100,000 mula sa isang anonymous donor si Police Corporal Jonjon Nacino na bida sa trending post ng GrabExpress rider na si Joshua Read.

Ani Nacino, sakto ang pagdating ng biyayang ito na magagamit niya sa panganganak ng kaniyang asawa. “[Gagamitin ko sa] pagpapaanak po ngayon ng misis ko. Buntis po kasi ngayon. Hindi na po mamomroblema sa pagpapaanak,” sabi niya sa panayam sa GMA News.

Bagama’t hindi nagpakilala ay nag-iwan ng note ang donor na nagsasabing “To the good samaritan $100 police officer. God bless you more!” Pag-amin ni Nacino, nakatataba ng pus0 kapag nalalaman niyang may nakaka-appreciate sa kaniyang ginawa.

Ibinahagi ni Joshua sa isang Facebook post na nasita siya ni Nacino sa isang checkpoint matapos niyang sumingit sa isang lane. Panay raw ang paghingi niya ng paumanhin at pagpapaliwanag na estudyante siya at kailangan lang talagang kumayod.

Imahe mula sa Facebook | Joshua Read

Pinagpaliwanag din siya ng frontliner kung bakit may motor siya ngunit walang pantubos ng lisensya. Ibinahagi niyang kumuha lamang siya ng motor dahil nahihirapan siya sa commute mula Tondo hanggang Pasay upang pumasok sa paaralan. Pagkatapos nito ay babiyahe naman daw siya papasok sa trabaho.

“Pagsabi ko nun naiyak ako. Bago kasi mangyari yun eh medyo di naging maganda araw ko sa mga na-experience ko kanina sa mga deliver ko. Kaya masama talaga loob ko buong araw,” aniya.

Inakala niya raw na bibigyan na siya ng ticket ngunit laking gulat niya ng $100 ang iabot sa kaniya ni Nacino. Sinubukan niya itong tanggihan ngunit nagpumilit ang pulis.

“Tanggapin mo na. Tulong ko sa’yo ‘yan. Gusto ko magtapos ka ha,” bilin ng pulis.

May God bless you more Police Corporal Nacino!

Loading…