Pulis namigay ng relief packs sa mga nakatira sa ‘Home Along D Riles’

  • Mga pulis namigay ng relief packs sa mga nakatira sa tabi ng riles
  • Higit 250 food packs ang naipamahagi sa mahihirap na pamilya
  • Agad nag-trending ang kabayanihang ginawa nila

Tuloy-tuloy pa rin ang bayanihan ng mga Pilipino para matulungan ang mga nangangailangan ng ayuda upang makaahon at may makain habang ipinapatupad ang quarantine bilang pag-iingat sa COVID-19 pandemic.

Image by Radyo Singko 92.3 News FM via Facebook

Marami pa ring maipagmamalaki sa bansa, katulad na lamang ng kabutihang-loob na ipinakita ng mga pulis sa Abad Santos Police Station sa Maynila kung saan sila ay namahagi ng relief packs sa mga nakatira sa tabi ng riles.

Tinawag nila ang kawanggawa na “Home Along D Riles Project.”

Katunog ito ng programang pinagbidahan noon ng komedyanteng si Dolphy na sumasalamin sa buhay ng maraming Pinoy na pinipiling maging masaya at kuntento sa kabila ng mahirap na pamumuhay dahil sa kakapusan sa pera.

Sa kabuuan ay nakapamahagi sila ng mahigit 250 food packs sa mga mahihirap na mamamayan.

Laman ng packs ang apat na kilong bigas, instant noodles, mga de lata at tubig.

Nagpasalamat din ang mga puis sa Philippine National Railway sa pagpapahiram ng tren nito para maihatid ang tulong.

Dahil dito, agad nag-trending at umani ng papuri sa mga netizen ang kabutihang ginawa ng mga pulis.

Komento ng isa, “Good job mga sir! Mabuhay po kayo.”

Dagdag pang komento, “Sana dito sa amin may mamigay din. God bless po, frontliners.”

Matatandaan na noong nakaraang buwan ay mayroong mag-asawang pulis na piniling ipagpaliban na lamang ang kanilang kasal at itulong ang naipong pera sa mga nangangailangan.

Nakatakda sanang ikasal sina Patrolman John Cleveland Pannogan at Nannette Velasco sa Hunyo pero ipinagpaliban na lamang ito para maibigay ang pera sa “Adopt A Family” program.

Image by Jay Cee Pee via Facebook

Layunin ng programang ito ng PNP na matulungan ang mga mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng pagkalap ng pondo para makapagbigay ng pangunahing pangangailangan para rito.

Nawa’y dumami pa ang mabubuting loob at sama-sama nating malampasan ang pagsubok na ito.

Image by Radyo Singko 92.3 News FM via Facebook

Loading…