PWD sa Nueva Ecija namimigay ng libreng pagkain gamit ang kanyang goto cart para sa mga kababayan at frontliners

  • Inspirasyon ngayon sa marami ang isang PWD mula sa Nueva Ecija na hindi naaawat sa pagtulong sa iba
  • Sa kabila ng pagkawala ng isang paa, patuloy sa pagbibigay ng pagkain sa mga kababayan at frontliner
  • Sakay ng kanyang goto cart, iniikot niya ang kanilang bayan upang maghatid ng tulong sa mga walang makain

Sa panahong may kinahaharap na krisis ang bansa, maraming kuwento na rin ng pagtutulungan ang lumalabas na talaga namang kinapupulutan ng inspirasyon ng marami. May ilang mga nakaaangat sa buhay na handang magbigay para sa marami, habang may ilan namang kahit kapos din ay hindi nagdadalawang-isip na tumulong.

Ganito ang kuwento ng isang person with disability (PWD) mula sa San Jose, Nueva Ecija na kahit sa kanyang kalagayan ay hindi nagpapaawat sa pagtulong sa kanyang kapuwa. May kapansanan sa paglalakad si Christopher Porwelos simula noong siya ay limang taong gulang pa lamang.

Larawan mula sa Facebook post ni Christopher Porwelos

Hindi na raw ito naipagamot ng kanyangh pamilya dahil sa kahirapan. Kaya naman sa kanyang pagbibinata ay kailangan na raw itong putulin upang hindi na magkaroon pa ng komplikasyon. Ngunit kahit may kapansanan, hindi ito naging hadlang para makapagtrabaho siya.

Itinayo niya ang kanyang sariling negosyo na gotohan. Ngunit kaiba sa mga karaniwang gotohan, ang kanyang negosyo ay umiikot gamit ang kanyang cart. Kaya naman naging pamoso na rin ito bilang ‘Gotong Gala’ na opisyal na naging pangalan ng kanyang iconic goto.

Pero maliban sa gumagalang lugaw, trending din ngayon ang negosyo ni Christopher dahil sa panahon ng pandemic, inilunsad niya ang proyektong “Gotong Gala Cares” kung saan namimigay siya ng mga pagkain para sa mga walang pambili, pres0, at maging sa mga frontliners.

Sa bawat pag-ikot daw ng Gotong Gala ni Christopher, nakapagpapakain siya ng 250 katao. Maliban sa goto, naghahatid rin siya ng sopas, sotanghon, at mami. Dahil sumikat ang kanyang proyekto, kalaunan ay nagkaroon na rin ito ng mga sponsors mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Larawan mula sa Facebook post ni Christopher Porwelos

Hangang-hanga naman ang mga kababayan ni Christopher sa kanyang mabuting layunin. Ayon kay Christopher, madalas siyang makarinig ng mga papuri na kahit daw mayroon siyang kapansanan ay hindi ito nagiging balakid upang makatulong sa iba.

Pero ayon kay Christopher, mas mahalaga sa kanya ang makatulong sa kapuwa kaysa anumang papuring nakukuha. Sana raw ay magsilbi siyang inspirasyon sa kanyang mga kababayan na kahit anong kalagayan, basta nais tumulong ay magagawa.

Panoorin ang panayam ng PTV kay Christopher:

Loading…