Reyes Haircutters nagbigay ng libreng gupit sa mga hospital frontliners

  • Nagbibigay ng libreng gupit sa mga hospital frontliners ang mga hairdressers ng popular na Reyes Haircutters
  • Ang “Free Haircutting for Hospital Frontliner Project” ay nagsisilbing morale booster sa mga abalang frontliners na hindi na makauwi sa pamilya
  • Nakapaggupit na ang grupo ni Les Reyes sa Cardinal Santos Medical Center, Manila East Medical Center sa Taytay, at Commonwealth Medical Center sa Quezon City

Marami sa mga health workers na nakikipagbuno sa COVID-19 ang halos hindi na makauwi sa kanilang mga tahanan dahil sa rami ng mga pasyenteng nasa ilalim ng kanilang pangangalaga. Upang kahit paano ay maibsan ang kalungkutang nadarama ay nagbibigay ng free haircut ang isang popular na hair salon sa mga hospital frontliners.

Imahe mula sa Facebook page ng Reyes Haircutters

Sa isang panayam, sinabi ni Les Reyes, ang may-ari ng Reyes Haircutters, na ang kanyang “Free Haircutting for Hospital Frontliner Project” ay layuning maitaas ang morale ng mga doktor, nurses at iba pang health workers sa ospital.

“Naiisip natin na ‘yung frontliners – doctors, nurses and the caregivers – hindi na nakakauwi. Siyempre, nalulungkot sila ‘di nila kasama ang kanilang pamilya. So, naisip natin ito for morale booster at mapasaya natin sila sa simpleng gupit lang,” pahayag ni Les Reyes.

Ang simula umano ng free haircutting project ay dahil sa hiling ng isang kaibigan na magbigay sila ng libreng serbisyo sa mga frontliners. Agad namang pinaunlakan ni Les Reyes ang kahilingan bilang ambag na rin ng kanyang grupo sa pagtugon sa krisis..

“Kung pupuwede nga daw magbigay ng libreng gupit. I said, ‘Yes, 100 percent’,” sabi ni Les na nakababatang kapatid ng popular na si Ricky Reyes.

Ikinuwento pa ni Les ang protocols na sinunod ng walong hairdressers niya upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa sa panahon ng health crisis.

Screesnhot mula sa DS Studio video

Aniya, hatid-sundo ang mga hairdressers mula sa Anonas, Quezon City Branch nila hanggang sa ospital.

Pagdating sa ospital ng hairdressers ay binibigyan sila ng briefing ng isang doktor na espesyalista sa infectious disease, kinukunan ng temperature, nagdadasal at magsusuot ng personal protective gear bago simulan ang panggugpit.

Habang naggugupit ay isang nurse ang nagbabantay sa kanila.

Nakapaggupit na ang grupo ni Les Reyes sa Cardinal Santos Medical Center, Manila East Medical Center sa Taytay, at Commonwealth Medical Center sa Quezon City.

Imahe mula sa Facebook page ng Reyes Haircutters
Source :

ABS-CBN, Facebook

Loading…