Rider may mensahe sa mga mababa ang tingin sa kanila

Imahe mula sa Facebook | Brian Tabuzo at Grab
  • Nagbahagi ng kaniyang saloobin ang isang netizen tungkol sa mababang tingin ng iba sa mga delivery rider
  • Kuwento niya, nakatanggap siya ng mensahe mula sa dating kaklase na nagtatanong kung bakit sa pagiging rider siya bumagsak
  • Paliwanag niya, ang mahalaga para sa kaniya ay masaya siya sa ginagawa at kumikita sa malinis na paraan

Naglabas ng saloobin ang isang netizen tungkol sa mga taong mababa ang tingin sa kanilang mga delivery rider.

Imahe mula sa Facebook | Brian Tabuzo

Kuwento ni Brian Tabuzo, nakatanggap siya ng isang mensahe mula sa dating kaklase. “Oh, p’re! Nag-Grab ka na lang pala? ‘Di ba college level ka naman? Bakit diyan ka bumagsak? Bata ka pa, ‘di ba? Marami pang trabahong better diyan,” saad sa mensahe.

Tawa na lamang daw ang naisagot ni Tabuzo dahil napagtanto niyang mababa pala ang tingin ng iba sa mga food at parcel delivery riders. Paliwanag niya, alam niyang bata pa siya at may iba pang trabaho na naghihintay sa kaniya ngunit dito siya masaya.

“Pinili ko ito dahil masaya rito. Dito, ang mahalaga ay hindi kami nanlalamang ng ibang tao,” sabi ni Tabuzo.

Simple man sa pananaw ng iba ay marami rin silang pagsubok na kinahaharap sa daan. “Hindi rin naman ganoon kadali ang ginagawa namin. Nariyan ang risk ng aksidente, fake booking, scams,” aniya. “Pero masaya kami at mahal namin ito.”

Imahe mula sa Facebook | Brian Tabuzo

“Hindi naman namin hinihingi ang paggalang at appreciation ninyo. Ang importante, sa malinis na paraan namin kinukuha ang perang pinanggagastos namin.”

Nagpasalamat din siya sa mga nakauunawa sa kanila. “Salamat sa mga taong kayang umunawa at tumangkilik sa ginagawa namin…Gawin na lang nating motibasyon ang kritisismo ng ibang tao sa atin.”

Naunawaan naman ng netizens si Tabuzo at sinabing hindi lahat ay ganoon ang tingin sa mga rider na nagsisilbi pa ngang bayani sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Hindi dapat ikahiya ang trabaho na marangal…Salat ka man sa pera, ang mahalaga mayaman ka sa mata ng Diyos. Kaya ipagpatuloy mo lang ‘yan dahil darating ang araw na iaangat ka rin Niya,” ani M. Gani.

Source :

Facebook

Loading…