Robin Padilla naglabas ng saloobin hinggil sa paghihinanakit ni BB Gandanghari sa kanilang pamilya

  • Kabilang sa mga popular na showbiz siblings sa Pilipinas ang magkapatid na Padilla, partikular sina Robin Padilla at BB Gandanghari
  • Hindi lingid sa kanilang mga tagasubaybay ang mga pagtatampo ni BB sa kaniyang pamilya
  • Gayunman, tinuldukan ito ni Robin at nagpahayag ng kaniyang saloobin tungkol sa pinagdaanan ng kanilang pamilya sa pagpasok ng 2020

Nagpahayag na ng saloobin si Robin Padilla tungkol sa isyu ng paghihinanakit ni BB Gandanghari sa kanilang pamilya.

Nitong Abril, naging laman ng YouTube vlogs ni BB ang mga pasaring niya sa kaniyang pamilya na hindi man lamang daw magawang kumustahin ang kaniyang kalagayan sa Amerika lalo na at may COVID-19. Partikular ang tampo ni BB kay Robin.

Imahe mula sa Facebook page ni BB Gandanghari

Kahit naging biktima ng death hoax si BB ay wala rin umano siyang narinig na pagtatanggol mula sa pamilya.

Sa kabilang banda, ang pagtatampong ito ay tinuldukan na ni Robin nang magpahayag siya ng kaniyang saloobin hinggil sa isyu.

Ayon sa report ng Pep, sinagot ni Robin ang mga akusasyon ng kapatid. Hiniling niya na tigilan na ni BB ang pagtatampo dahil sadyang marami lamang nangyari sa kanilang pamilya nang pumasok ang 2020.

Na-ospital pala si Robin nang isang buwan dahil sa kaniyang back injury. Sumunod pa rito ang aksidenteng pagkakadulas ng kanilang inang si Eva Cariño na dalawang buwang nakaratay sa higaan.

Hiling ni Robin na sa ganitong panahon ng krisis, mas manaig pa sana ang pagkakaunawaan sa pagitan ng bawat isa.

Ipinaliwanag din ng action star na may mensaheng hatid para sa lahat ang COVID-19 kung saan hindi ito panahon para “magbatuhan ng bato” kundi panahon ito para magnilay.

Imahe mula sa Facebook page ni Robin Padilla

Umaasa rin si Robin na magkakaayos pa rin sila ni BB. Naniniwala rin siya na pagkatapos ng unos na ito ay may magandang kahihinatnan pa rin ang lahat. Patalinghaga rin niyang ipinahayag na masisilayan pa rin natin ang bahaghari matapos ang matinding unos.

Ipinaalala rin ni Robin na ang panahong ito ay ibinigay sa atin ng Diyos para makapagpahinga.

Source :

Pep, YouTube

Loading…