Senador Gatchalian ipinaliwanag ang “Learning from Home”; nagmungkahing magpokus muna sa mga ‘basic subjects’

  • May mungkahi si Senador Win Gatchalian para mapadali ang learning from home system
  • Magpokus daw muna sa mga “basic subjects”
  • Ang tinukoy niyang basic subjects ay ang Math, Science, Reading, at English

Iminungkahi ni Senador Win Gatchalian na habang inihahanda pa ang lahat para sa tinatawag na “New Normal” kaugnay ng unti–unting pagpapatuloy ng lahat sa pagtatapos ng mga community quarantine, na magpokus muna ang mga mag–aaral sa mga pangunahing asignatura gaya ng Math, Science, Reading, at English, at huwag munang isama ang asignaturang PE at Home Economics, ayon sa panayam sa kaniya ng media.

Sa press release ng naging takbo ng panayam sa kaniya nina Orly Mercado at Cheryl Cosim ng “Radyo Singko”, na makikita naman sa opisyal na website ng Senado, ipinahayag ni Gatchalian ang kaniyang mungkahing limitahan lamang sa mga tinawag niyang basic subjects ang pag–aaralan ng mga mag–aaral sa “learning from home” sytem.

Public Domain Image

“If you can work from home you can learn from home… dumalo ako sa isang webinar hosted by World Bank at itong sitwasyon natin ngayon ay nararanasan ng halos lahat ng bansa sa buong mundo at ang ginagamit ngayon ng iba’t-ibang bansa ay iba’t ibang teknolohiya. Ang preferred na teknolohiya talaga ay ang internet, online pero ang alam natin na less than 40% lang ng population natin ay merong internet access,” paliwanag ng senador.

Dagdag pa niya, “Even though meron silang mobile pero hindi lahat merong internet access kaya ang isang preferred choice ng mga developing nations katulad natin ay gumamit ng TV at radio. For example nagbigay tayo ng prangkisa sa isang TV station, sinasabi doon na puwedeng gamitin ng pamahalaan ang kanilang frequency for public service.

Ang mga tinukoy niyang basic subjects ay ang Math, Science, Reading, at English. Bagama’t binanggit din niyang kailangan pa ring pag–aralan ang History, mas makabubuti raw na tanggalin muna ang mga asignaturang Physical Education o PE at Home Economics.

“Importante ‘yung mga basics natin, tulad ng Math, Science, Reading at English. Ito ‘yung mga pinakaimportanteng basics at kung meron pa tayong panahon, dapat ipagpatuloy pa natin yung iba pang mga subjects tulad ng History pero tanggalin na muna ‘yung, for example, Home Economics at PE. Tanggalin muna natin dahil sa krisis natin ngayon,” aniya.

Public Domain Image

Malaki raw ang magiging gampanin ng mga magulang sa tinatawag na learning from home system. Mas matututukan umano ng mga magulang ang kanilang mga anak pagdating sa pag–aaral.

“Napakaimportante po ng papel ng ating mga magulang ngayon dahil ngayon sa ganitong ECQ, almost 100% ng oras ng bata kasama nila ‘yung kanilang magulang kaya kung magagamit natin ang oras sa pagtuturo, kahit na pinaka-basic lang, basic Mathematics, basic Reading, pinaka–basic lang para po ang bata ay tuloy-tuloy po ang pag-aaral at tuloy-tuloy pong nagagamit ang kanilang isip, kaya malaki po ang papel ng ating magulang dahil kasama siya sa curriculum.”

Matatandaang nagpahayag na ang Department of Education o DepEd na magsisimula ang taong pampanuruan 2020–2021 sa Agosto, subalit hindi pa inirerekomenda ang face–to–face learning. Dito na papasok ang learning from home system na ipinaliwanag ni Senador Gatchalian.

Si Senador Win Gatchalian ang nagsusulong na mapataas pa ang proficiency level ng mga mag–aaral pagdating sa Math at Science, lalo na sa mga lalawigan.

Loading…