Share sa lamig: Split type aircon, literal na na-split ang lamig sa dalawang kuwarto dahil sa kakaibang diskarte

  • Trending ang larawan ng isang split type aircon na literal na-split ang hangin
  • Dalawang silid kasi ang napapalamigan ng aircon dahil sa butas na ginawa sa dingding
  • Patok naman ito sa mga netizens at sinabing gagayahin din nila ang ganitong diskarte

Maraming Pilipino ang iritang-irita na sa sobrang maalinsangang panahon. Kanya-kanyang diskarte ang ilan para mapreskuhan katulad ng pagbababad sa pool, pagkain ng malalamig, at pagbubukas ng maraming electric fan. Para sa mga nakaluluwag-luwag, air conditioning unit ang sagot para malamigan kahit summer sa Pilipinas.

At para sa isang pamilya, kailangan ay mahati ang lamig sa dalawang kuwarto para masulit naman ang ibinabayad sa electric company. Ito ang dahilan kung bakit trending ang ilang larawan sa isang bahay na literal na na-split ang hangin ng isang split type na aircon.

Larawan mula sa Facebook page na Di Umano

Makikita sa post ng page na Di Umano ang aircon na nakalagay sa isang butas sa pader na naghahati sa dalawang kuwarto. Sa butas ay swak na nakalagay ang split type. Nakalabas ang isang bahagi sa isang kuwarto, habang nasa kabilang kuwarto naman ang isa pang bahagi.

Sa ganitong paraan nga naman, imbes na isang silid lang ang makinabang sa lamig, ay mahahati nila ito sa dalawang kuwarto. Mas malawak at mas maganda rin ang paghahati ng hangin dahil makukulob sa kuwarto ang lamig, kaysa ilagay ito sa mas malaking lugar sa bahay tulad ng sala.

Panalo naman ang ideyang ito para sa mga netizens. Ayon sa kanila, magandang gayahin ito para sa mga balak magpalagay ng aircon at sa may mga split type unit na sa kanilang bahay. Mas okay daw ito dahil mas tipid sa kuryente kaysa naman magdalawang aircon pa sila.

“Kung sino man ang nakaisip niyan, ang taba ng utak mo. Ayos ha!” pahayag ng isang netizen na mukhang gagayahin din ang diskarteng ito par sa kanilang bahay.

Larawan mula sa Facebook page na Di Umano

Pero pahayag naman ng iba, mukhang isang malaking hamon ang paglilinis nito at pagsasaayos ng technician kung magkaroon man ng pr0blema ang aircon dahil sa makipot na espasyong pinaglalagyan nito sa pader.

Hayag naman ng isang netizen, ordinaryo na raw ang ganitong diskarte sa mga paupahan sa ibang bansa upang mabigyan ng sapat na lamig ang bawat boarders nila.

Loading…