Simple pero masayang problema: Minsan ka rin bang pinahirapan ng grid puzzle toys na sikat na libangan noon?

  • Trending sa social media ang post tungkol sa nais pr0blemahin daw ng mga kabataan noon
  • Sana raw ay maaaring balikan ang mga panahong ang suliranin ay dala lamang ng mga grid puzzle
  • Simpleng laruan lamang ito kung titingnan ngunit may kahirapan din itong ayusing muli

Sa panahon ng teknolohiya, halos lahat ng kailangan ng isang tao ay nasa kanyang smartphone na. Maaari nang mag-browse sa Internet, kumuha ng larawan, magpadala at makatanggap ng pera, magpadala ng e-mail, at maging ang libangan tulad ng online gaming.

Ngunit bago pa man natin minahal ang mga gadgets, minsan muna tayong inaliw ng mga simpleng laruan na naging sanhi rin upang mas tumalas ang ating isipan. Maraming mga educational toys ang pinalalaro sa atin ng ating mga magulang na pumukaw sa ating atensiyon at imahinasyon.

Larawan mula sa Facebook post ng We Are 90s

Isa sa mga lauruang ito ay nais balikan ng isang netizen mula sa Facebook group na We Are 90’s.

Ayon kay Arniel Umbao Taping, masarap daw balikan ang mga panahon na ang mga grid puzzles pa lang ang kanyang pinoproblema.

Ang mga grid puzzles ay isang uri ng laruan na mayroong moveable pieces na kailangang mabuo ang imahe o cartoon character. Mayroong isang maliit na larawang nagsisilbing guide o gabay upang mabuo ang puzzle.

Kahit karaniwang nasa siyam na blocks lang ang kabuuan ng puzzle, may kahirapan din itong maresolba at kailangang pag-isipan nang mabuti para maibalik muli sa ayos ang laruan. Dahil wala pa namang Google at YouTube noon para sa tips at diskarte, talagang sariling sikap ang mga bata noon sa pag-aayos ng bawat piyesa.

“Sarap balikan nung mga panahon na eto pa lang ang pinopr0blema ko,” pahayag sa post sa group na We Are 90’s.

Larawan mula sa Shopee

Umani naman ng reaksiyon mula sa mga netizen na naka-relate sa nasabing post ni Arniel. Ayon sa kanila, kapag daw hindi nila mabuo ang grid puzzle, ang ginagawa raw nila ay binabaklas ang blocks nito at inilalagay nang nakaayos na.

Sang-ayon din sila sa sentimyento ni Arniel sa post na sana ay ito na lang ang pinopr0blema nila uli kaysa sa mga bills at kung ano-ano pang bayarin. Ang sarap daw maging bata muli at ang laruan lang ang ating intindihin.

Loading…