Sinaing na Tulingan, pagkaing Pinoy na hindi pagsasawaan

  • Nakatikim ka na ba ng “sinaing na tulingan”?
  • Ito ay isang uri ng pagkaing ipinagmamalaki ng mga taga–Batagas at taga–Laguna
  • Nagbahagi naman ang mga netizens ng kanilang karanasan hinggil sa pagkain at pagluluto nito

Kung naghahanap ka ng pagkaing Pinoy na tiyak na hindi mo pagsasawaan, bakit hindi subuking lutuin ang “sinaing na tulingan”?

Ikinatakam ng mga Facebook users ang mga ibinahaging larawan ng netizen na si “Ssenh Pascua” sa Facebook page na “Memories of Old Manila”. Ipinakikita sa naturang larawan ang “sinaing na tulingan” na masarap iulam sa mainit na kanin.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila / Public Domain Image

“Sinaing na Tulingan – ipinagmamalaki ng probinsya ng Batangas at Laguna. Masarap lalo na po kung luto sa palayok… Pagkaing Pinoy na hindi pagsasawaan mula noon magpahanggang ngayon. Pag ito ang ulam, ilang cup ng rice kaya mo?” ayon sa caption.

Nagbigay naman ng reaksyon dito ang mga netizens.

“Rapsa! Nakupo sabay kamayan na agad kapag ganyan ang ulam! Mapapasabak ka sa kanin!” sabi ng isa.

Turan ng isa, “Masarap iyan lalo na kapag niluto sa palayok. Kapag pumupunta ako sa mga pamangkin ko sa Bulacan, ipinagluluto nila ako niyan kasi paborito nila.  Walang natitira, lahat kinakain nila mula ulo hanggang buntot kasi ultimo tinik napakalambot.”

“Ayyy! Kaysarap niyan! It’s always a favorite when our family goes home to Alitagtag! Yung sabaw niyan nilalagyan namin ng kamatis, sibuyas at kamyas…. ang sarap…” reaksyon ng isa.

May ilang mga netizen naman ang nagbahagi ng kanilang paraan ng pagluluto nito.

Public Domain Image

“Sinasaing sa suka at asin, pinakukuluan nang matagal hanggang matuyo ang tubig. Kung gusto mo naman yung dry na kamyas at asin, pakuluan lang din nang matagal hanggang maiga o mawala ang tubig, ” pagbabahagi ng isa.

Ayon naman sa isa, “Paraan ko sa pagluluto, binabalot ko muna sa dahon ng saging. Hindi ko muna nilalagyan ng kamyas at taba ng baboy, tinatapon ko yung una at pangalawang kulo para mawala yung lansa. Saka ko ilalagay ang kamyas at taba ng baboy, tapos yung tulingan, ang sarap! Pati sabaw lang ulam na.”

Subukin mo ring ulamin ang ginataang tulingan at inihaw kapag sariwa ang isda. Baka makalimutan ninyo ang pangalan ninyo sa sarap!

Loading…