Sino nga ba ang “boses” na nasa likod ng ABS–CBN?

  • Marahil ay napapaisip ka rin kung sino ang magandang tinig sa likod ng mga voice over ng mga palabas at patalastas sa ABS–CBN Kapamilya Network
  • Siya ay walang iba kundi si Peter Musngi na tinaguriang “boses ng ABS–CBN”
  • Masaya raw siya sa kaniyang paglilingkod sa sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng kaniyang ginintuang boses

“ABS–CBN… In the Service of the Filipino… worldwide…”

Kung ikaw ay palagiang nanonood ng mga programa sa ABS–CBN Kapamilya Network, marahil ay isa ka rin sa mga nagtatanong kung kanino nga ba ang boses na nasa likod ng ilang mga patalastas, spiels, trailers, teasers at voice over na talaga namang “Tatak Kapamilya.”

Ang mahiwagang boses ay pagmamay–ari ng isa sa mga batikang radio announcer ng Pilipinas na si Peter Musngi na tinaguriang “boses ng ABS–CBN” na itinampok sa “Pipol” na inupload sa Facebook page ng ABS–CBN News.

Public Domain Image

“Dapat ma–capture mo ‘yung spirit of the program… the energy of the program… the branding of the program,” ayon sa kaniya.

Nagsimula umano siya pagvo–voice over ilang dekada na ang nakalilipas. Nag–umpisa siya sa larangan ng braodcasting bilang “spinner” sa isang provincial station, at hindi kalaunan ay naging radio announcer dahil sadyang malalim at maganda ang timbre ng kaniyang tinig.

Bagama’t aminado si Musngi na maraming ulit siyang na–reject sa kaniyang mga aplikasyon sa trabaho, dumating din ang suwerte sa kaniya. Mula 1987 hanggang sa kasalukuyan, sa kaniya pa rin ang tinig na naririnig ng lahat sa mga voice over ng Kapamilya Network.

Nagtapos siya ng kolehiyo sa University of the East bilang isang accountant, at biro nga niya, siya lamang ang “double CPA” sa Pilipinas: bilang certified public accountant at certified public announcer. Lahat na raw ng scripts ay nabasa na niya, ngunit patuloy pa raw siya sa pag–aaral at paghahanap ng bagong estilo sa pagsasalita.

“Natutuwa ako noong unang panahon na ‘yung boses ko ay kalat na kalat pero nakakasakay ako sa dyip at nakakasakay ako sa taxi, at wala namang nagtatanong sa akin na ‘Parang pamilyar ang boses mo.’ Iyon ang maganda kasi hindi ako nakikilala,” pahayag ni Musngi.

Public Domain Image

Bago siya magretiro, nagkaroon siya ng katungkulan sa News and Current Affairs ng network. Naging head siya ng Manila Radio, Managing Director ng ANC o ABS–CBN News Channel na nasa Cable TV, head ng ABS–CBN Sports, at bise presidente ng Sky Cable.

Anchor ng ilang mga programa si Musngi sa DZMM radyo at DZMM Teleradyo tulad ng “Pasado Sais  Trenta” at iba pa.

Panoorin ang video ng panayam kay Peter Musngi sa pamamagitan ng Facebook page ng ABS–CBN News o sa kanilang YouTube Channel:

Loading…