Streetboys member Spencer Reyes, ibinahagi ang pinagdaanan bago naging bus driver sa Scotland

Imahe mula sa Instagram | Sphencer Reyes
  • Isa na ngayong bus driver sa Scotland ang dating Streetboys member na si Spencer Reyes
  • Kabilang siya sa mga itinuturing na essential workers sa bansa nila dahil naghahatid siya ng mga nurse sa pinapasukan nilang ospital
  • Inamin niya na nami-miss niya ang pagsasayaw kaya tinatanggap niya ang mga imbitasyon sa pagtatanghal ngunit masaya siya sa buhay niya ngayon kasama ang kaniyang mag-anak

Ibinahagi ng dating Streetboys member na si Spencer Reyes ang buhay niya ngayon sa Scotland, kung saan nagtatrabaho siya bilang bus driver.

Imahe mula sa Instagram | Sphencer Reyes

Nag-aral siya ng nursing sa England noong 2008 at pumunta sa Scotland kasama ang mag-iina noong taong 2014. Dito na siya nag-aral ng electrical engineering, heating, at plumbing bago siya nag-apply bilang bus driver.

Ani Spencer sa isang panayam sa DZRH, hindi naging madali ang proseso upang matanggap siya bilang bus driver na itinuturing ngayong essential worker sa kinahaharap na COVID-19.

“Napakahirap pumasok as bus driver. You need to do some examinations kasi may license dito sa kotse,” ani Spencer sa panayam. “Kailangang maipasa mo ‘yung Hazard and Theory, tapos another… almost 10 na online tests… Kapag hindi mo maipasa yung isa doon, hindi ka magiging bus driver dito,” pagbabahagi niya.

Ngayong may kinakaharap din na laban sa COVID-19 sa Scotland ay patuloy ang pagtatrabaho ni Spencer bilang driver ng bus na naghahatid sa mga frontliner sa kanilang pinapasukan.

Imahe mula sa Instagram | Sphencer Reyes

“Essential ako rito e. Ako ‘yung naghahatid sa mga nurse na nagtatrabaho sa ospital,” aniya.

Bilang proteksyon ay nagsusuot siya ng personal protective equipment. May glass wall din daw sa loob ng bus. “Sinasanitize ‘yun, pati mga hawakan,” aniya.

Bagama’t nami-miss ang pagsasayaw ay masaya raw si Spencer sa buhay niya ngayon kasama ang kaniyang pamilya. Paminsan-minsan ay naaanyayahan din sila ng isa pang Streetboys member na si Michael Sesmundo na magtanghal sa mga pagdiriwang ng Pinoy community roon.

Loading…