Sulit nguyain: Naaalala mo pa ba ang Philip’s Coffee Caramel Candy at ang iconic na packaging nito?

  • Isa sa mga sumikat na candy noong 90s hanggang 2000s ay ang Philip’s Coffee Caramel Candy
  • Maraming alaala ang mga bata noon tungkol sa matigas ngunit malasang candy na ito
  • Mayroon pa ring nabibili nito sa ngayon ngunit iba na nga lang ang pakete nito kaya maaaring malito ang mga bibili

Hindi buo ang kabataan ng maraming Pilipino kung hindi sila nagpabalik-balik sa mga sari-sari store. Para sa mga batang wala pa namang kita at barya-barya lang ang pera, isang langit na maituturing ang mga sari-sari store dahil marami nang mabibiling masasarap na pagkain at candy.

Isa sa mga tumatak at minahal na candy ng mga kabataan noon ay ang matigas pero sobrang malasang Philip’s Coffee Caramel Candy. Nabibili ito sa mga tindahan sa halagang piso isa, mayroon pa nga raw panahon na piso dalawang piraso ito, ngunit sulit naman ang barya mo dahil paniguradong magtatagal ito sa iyong bibig.

Larawan mula sa Facebook post ni Mark Oliver

Ang gawain ng mga kabataan noon, sisipsipin muna ang candy na mayroong lasang nag-aagaw na kape at gatas. Kapag bahagyang lumambot na ang Philip’s Coffee Caramel Candy, maaari na itong kagatin upang lalong lumabas ang lasa nito.

Pero maliban sa masarap na lasa nito at sa murang halaga, tumatak din ito sa marami dahil sa pabalat o packaging nito. Kung ang karamihan sa mga candy ay nakabalot sa plastic, ang Philip’s Coffee Caramel ay ang isa sa mga candy noon na papel ang packaging.

Dahil marami ang nagmamahal sa candy na ito, binalikan ng mga batang 90s at 2000s ang matatamis nilang alaala sa nasabing panghimagas sa grupong We Are 90s sa Facebook. Ayon sa marami, ito pa rin ang pinakamasarap na coffee flavored candy na mayroon sa bansa.

Sumang-ayon naman ang mga nagkomento. Sabi ng ilan na naglalakad nang malayo papunta sa eskwela, ito raw ang pampalipas oras nila habang binabagtas ang daan. Ang iba naman, nagkasira-sira daw ang ngipin dahil sa candy na ito dahil medyo matigas nga.

Larawan mula sa Philip Sweets Manufacturing

Nagtataka naman ang ilan kung mayroon pa ba nitong Philip’s Coffee Caramel Candy dahil hindi na raw kasi sila nakakikita sa mga sari-sari store. Ang magandang balita, ibinebenta pa rin ito ayon sa manufacturer nitong Phisman o Philip Sweets Manufacturing.

Wala na nga lang ang klasikong disenyo ng packaging nito. Papel pa rin ang balot nito ngunit nagbagong bihis na ito. Kung dati ay mas malaking bahagi ng pakete ay puti, ngayon ay pula at orange na ang kulay ng papel na bumabalot dito.

Loading…