Supermarket owners na ‘di nagbibigay ng libreng PPEs sa mga empleyado, panagutin – Sen. Imee Marcos

  • Pinaiimbestigahan ni Sen. Imee Marcos ang ilang supermarkets na walang probisyon ng PPEs sa mga empleyado
  • Ibinunyag ng senadora na ang mga kawani ang mismong gumagastos para sa kanilang face masks, rubbing alcohol at hand sanitizer
  • Noong May 1 ay inatasan ng DTI at DOLE ang lahat ng employers na magkaroon ng probisyon ng PPEs sa kanilang mga empleyado

Nanawagan si Senator Imee Marcos sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Trade and Industry (DTI) na imbestigahan ang ilang supermarket owners na hindi nagbibigay ng libreng personal protective equipment (PPEs) sa kanilang mga empleyado.

Imahe mula sa Senate of the Philippines

Ani Sen. Marcos, dapat silang panagutin sa batas.

Napag-alaman ng senadora na ang mga empleyado ng ilang supermarkets gaya ng cashier, bagger at promodizer ang mismong  bumibili ng kanilang PPEs tulad ng face masks, rubbing alcohol at hand sanitizer upang proteksyunan ang kalusugan habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin.

“Dapat imbestigahan ng DOLE at ng DTI ang ginagawang panloloko ng ilang mga supermarket sa kanilang mga empleyado. Kung mapapatunayang meron ngang ginawang paglabag, dapat lang na parusahan ang mga may-ari ng supermarket,” panawagan ni Sen. Marcos.

Matatandaang noong Labor Day, ika-1 ng Mayo , ay nilagdaan ng DOLE Secretary Silvestre Bello III at DTI Secretary Ramon Lopez ang guidelines na nag-aatas sa mga employers na magkaroon sila ng probisyon ng PPEs sa mga empleyado bilang proteksyon ng mga ito kontra sa COVID-19.

Imahe mula sa DOLE

“’Yung isang malaking supermarket, binigyan lang sila ng face mask ng isang beses at ang mga sumunod na araw sila na ang dapat mag-provide ng kanilang mga gamit. Yung mga security guard naman, binigyan sila ng face shield pero pagdating sa face mask sila na ang bumili para sa kanilang sarili,” pagbubunyag ng senadora.

Sana raw ay huwag nang ipagdamot ng mga employers ang PPEs sa mga empleyado na kakarampot lang ang sinasahod.

Imahe mula sa JG Summit

Loading…