Sylvia Sanchez emosyonal nang mabalitaang nagka-COVID ang nurse na nag-alaga sa kaniya

Imahe mula sa Instagram | Sylvia Sanchez
  • Labis na naapektuhan ang aktres na Sylvia Sanchez nang mabalitaang positibo sa COVID-19 ang nurse na nag-asikaso sa kaniya
  • Naisip niya raw kasi na marahil ay sa kaniya nakuha ng frontliner ang sakit
  • Kahit nakalabas na sa ospital at tuluyan nang naka-recover ay patuloy na nakikipag-ugnayan si Sylvia sa mga nakasalamuhang health worker

Naging emosyonal ang aktres na si Sylvia Sanchez nang malaman niyang tinamaan na rin ng COVID-19 ang nurse na nag-asikaso sa kaniya habang nakikipaglaban sa sakit na ito. Bukod kasi sa nakapalagayang-loob na niya ang frontliner na ito ay inisip rin niya na marahil ay siya ang nakahawa rito.

Imahe mula sa Instagram | Sylvia Sanchez

“Nagkaka-text kasi kami. Noong nag-positive siya, iyak ako nang iyak kasi feeling ko, alam mo yung…tanong ko sa kaniya, ‘Sa akin ka ba nahawa?'” ani Sylvia sa isang panayam ng DZRH.

“Kasi siya talaga ang nag-aasikaso sa akin e. So lahat ng nagka-COVID na naroon, ina-assist niya.”

Sagot ng nurse, maaaring hindi naman dahil dalawang linggo na rin ang nakalilipas mula nang ma-discharge sa ospital ang aktres.

Imahe mula sa Instagram | Sylvia Sanchez

Ayon pa sa Pep, bagama’t matindi ang naging epekto kay Sylvia ang pagkakaroon nila ng COVID ng asawang si Art Atayde ay gusto na lamang niyang tingnan ang positibong aspeto ng mga bagay.

“Gusto kong maging positibo na sa nangyari sa amin ni Art. Ang positibo doon, na buhay kami, buo ang pamilya ko, at saka napatunayan ko na ang dami-daming nagmamahal sa amin,” sabi ni Sylvia.

Malaki ang pasasalamat niya sa mga nagdasal para sa kanila ng asawa — mula sa kanilang mga boss sa ABS-CBN hanggang sa mga hindi nila personal na kakilala.

“Ang mga Pinoy talaga, kapag may ganitong pangyayari, kahit hindi nila kilala nagdadasal sila. Napatunayan ko rin dito sa ABS-CBN na hindi lang trabaho bilang artista. Noong nagka-COVID kaming mag-asawa, lahat ng boss namin, ipinagdasal kami,” pagbabahagi ni Sylvia. “Maraming mga taong may mabuti talagang kalooban.”

Loading…