Tagkawayan, Quezon LGU, mamimigay ng tuyong isda bilang relief goods para matulungan ang mga mangingisda

  • Isa sa mga naiisip na ibigay na ayuda ng Tagkawayan, Quezon LGU ay ang tuyong isda
  • Sa ganitong paraan daw kasi ay makapagbibigay na sila ng pagkain, makatutulong pa sa mga mangingisda
  • Kasama ng tuyong isda ay ang gulay at bigas na ikaanim na dating na ng ayuda mula sa LGU

Iba-iba ang diskarte ng mga local government units (LGUs) sa pamamahagi ng tulong sa kanilang mga nasasakupang ngayong may kinahaharap na krisis ang bansa. Ang ilan ay nakilala sa pagbibigay ng napakaraming ayuda, habang ang ilan naman ay namahagi ng pagkain bukod sa instant noodles at canned goods.

Ang bayan naman ng Tagkawayan sa Quezon Province ay pinagpaplanuhan ngayon ang pamimigay ng tuyong isda at gulay bilang ayuda para sa kapakinabangan ng maraming mamamayan nila. Sa ganitong paraan daw kasi, matutulungan na ang mga residente, mabibigyan pa ng kita ang mga mangingisda sa kanilang bayan.

Larawan mula sa Facebook page na Tagkawayan Teleradyo

Sa inilabas na ulat ng Facebook page na Tagkawayan Teleradyo, nakipagpulong na raw ang alkalde ng bayan na si Carlo Eleazar sa bawat barangay sa planong pamimigay ng tuyo, gulay, at bigas sa kanilang 14,000 na pamilyang nasasakupan.

Prayoridad ng LGU ng Tagkawayan ang tuloy-tuloy na pamimigay ng ayuda dahil kamakailan lamang ay namigay naman sila ng sariwang karne. Bumili ang LGU ng 200 baboy at ito ang ipinamahagi nilang relief goods sa buong bayan.

Ngayon naman, ang mga mangingisda ang nais mabigyan ng tulong ni Mayor Eleazar at ng bumubuo ng pamahalaang lokal ng Tagkawayan dahil marami sa kanilang residente ay mangingisda. Apektado rin ang kita ng mga ito ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ).

“Layunin nito ayon kay Mayor Eleazar na sa pagkakataong ito na mabigyan ng kita ang mga mangingisda at nagtutuyo sa coastal barangays ng bayan lalo pa nga at nasa humigit-kumulang sa 14,000 sambahayan ang makikinabang muli sa layuning ito,” pahayag ng Facebook post ng Tagkawayan Teleradyo.

Larawan mula sa Facebook page na Tagkawayan Teleradyo

Matatandaang kasama ang Region IV-A o CALABARZON sa mga na-extend ang ECQ hanggang Mayo 15 alinsunod sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kung maipapasa ang planong pamimigay ng tuyong isda sa mga residente, ito na ang ika-anim na bahagi ng ayuda sa bayan.

Mahigpit na ipintutupad sa buong bayan ang mga polisiya upang makaiwas sa C0VID-19 kaya naman puspusan din ang pamimigay ng ayuda sa mga residente upang hindi na sila lumabas pa ng kanilang mga tahanan. Habang isinusulat ang balitang ito, wala pa ring naitatalang kaso ng C0VID-19 sa Tagkawayan.

Loading…