Tampisaw kahit makagalitan: Naranasan mo na bang maligo sa carabao beach sa bukid?

  • Bahagi ng kabataan ng mga taga-probinsya ang maligo sa mga libreng paliguan tulad ng ilog at dagat
  • Pero may ilan din na sa ‘carabao beach’ o liguan ng kalabaw nagtatampisaw
  • Kahit nakakagalitan sila ng nanay nila, tuloy pa rin ang paliligo ng mga bata

Sa mga batang lumaki sa lalawigan, maraming alaala ang dulot ng kalikasan. Sa probinsya kasi, karamihan sa mga libangan ng mga bata ay nakaayon sa kung ano ang mayroon sa paligid. Marami ang naglalaro sa mga bundok at burol. Marami din ang naghahabulan sa malawak na palayan at bukirin.

Siyempre, sa mga batang gustong mapreskuhan, naging katuwang nila ang mga ilog, lawa, sapa, at dagat. Libre lang magtampisaw sa mga ito kaya naman one to sawa ang mga kabataan noon. Pero maliban sa mga ito, may isa pang pinagtatampisawan ang mga batang probinsya—ang mga carabao beach.

Larawang ni-reupload ni Ironchef Bautista via FB page We Are 90s

Carabao beach ang tawag sa bahagi ng bukid kung saan naliligo ang mga alagang kalabaw. Kadalasang hindi ito nalalayo sa taniman. Kung minsan din, nasa bahagi ng ilog ang liguan ng kalabaw. Pwede ring isang gawang lawa o hukay sa bukid ang tampisawan ng mga kalabaw.

Pero hindi lamang mga kalabaw ang naliligo rito. Ang mga makukulit na bata, kapag napadpad sa bukid ay diretso rin sa mga carabao beach. Hindi alintana ng mga bata kung anong uri ng tubig ang naririto, basta magtatampisaw sila at mapepreskuhan.

Wala namang selan ang mga bata noon. Buong barkada pa silang magtatampisaw sa tubig. Swerte kung bagong agas ang tubig at malinaw pa. Pero kung napagtampisawan na ng kalabaw, maaaring maputik na ito.

Kaya naman maraming nanay noon ang naiinis sa mga batang panay ligo sa carabao beach. Nangungutim kasi ang mga damit nila, lalo na iyong mga nakasuot ng puting damit. Pero kahit na nakagagalitan, wala pa ring nakaaawat sa kanila sa pagtatampisaw sa kanilang instant beach.

Larawang ni-reupload ni Ironchef Bautista via FB page We Are 90s

Ito ang binalikan ng isang netizen sa post sa grupong We Are 90s. Ayon sa mga larawang nire-upload ni Ironchef Bautista, masarap daw na alaala ng kabataan ang paliligo sa mga ilog, carabao beach, sapa, at maging sa patubig sa bukid.

Mas nakadaragdag pa raw sa saya kung mayroong puno sa tabi ng paliguan. Umaakyat muna kasi ang mga bata noon sa puno, sabay tatalon sa tubig na animo’y nasa isang resort na mayroong slide.

Ikaw, naranasan mo bang maligo sa carabao beach?

Loading…