Tanod na may mabuting kalooban, binigyan ng PNP ng bagong tirahan

  • Walang maayos na matitirhan ang pamilya ni Arsenio Dumrique Jr., na tolda ang bubungan ng bahay
  • Pero nagpakita siya ng mabuting asal noong namigay ng ayuda sa kanilang barangay
  • Pinatayuan siya ng PNP ng panibagong tahanan

Mayroon nang panibagong matitirhan ang isang barangay tanod sa Flora, Apayao dahil sa pagiging mabuting ehemplo nito; isang patunay na ipagpatuloy lamang ang paggawa ng kabutihan at darating din ang biyaya.

Image by DWPE 729am Radyo Pilipinas Tuguegarao/PNP Flora via Facebook

Ayon sa DWPE 729am Radyo Pilipinas Tuguegarao, nagpakita ng kabutihan si Arsenio Dumrique Jr. noong isinasagawa ang pamamahagi ng ayuda mula sa pamahalaan para sa kanilang barangay. Agad itong napansin ng PNP Flora.

Kabilang sa mga ginawa nito ang pagtulong sa mga persons with disabilities.

Nabanggit din na walang maayos na matitirhan si Dumrique at tanging tolda lamang ang nagsisilbing bubungan ng kanilang bahay at kapag umuulan ay nababasa ang kanyang pamilya.

Wala rin itong ibang pinagkakakitaan maliban sa pagiging barangay tanod. Mayroon siyang 31-anyos na asawa at dalawang anak.

Dulot nito, napili siya ng PNP Flora na biyayaan ng isang panibagong tahanan sa ilalim ng “Bayanihan we heal as one, build as one, and win as one.”

Layunin ng programa na mabigyan ng tahanan ang mga sibilyang nagpapakita ng magandang asal at mabuting ehemplo habang ipinatutupad ang quarantine, ayon kay PEMS Gemma G. Malag, Municipal Executive Senior Police Officer ng PNP Flora.

Dagdag ni Malag, nagmula ito sa “Kapwa ko, Sagot Ko” kung saan bawat PNP personnel ay kinakailangang mag-adopt ng isang pamilya mula sa “poorest of the poor” na siyang tutulungan.

Tinulungan ng kapulisan ang Good Samaritan sa pag-survey sa lugar na paglalagyan ng kanyang bahay at pamimili ng mga materyales na gagamitin.

Image by DWPE 729am Radyo Pilipinas Tuguegarao/PNP Flora via Facebook

Nagsilbi namang construction worker sa tahanan ni Dumrique ang mga lumabag sa mga ordinansang ipinapatupad sa ilalim ng enhanced community quarantine at general community quarantine.

Nauna na siyang nakatanggap ng 15 kilong bigas at assorted grocery items mula sa kapulisan.

Image by DWPE 729am Radyo Pilipinas Tuguegarao/PNP Flora via Facebook
Source :

Facebook

Loading…