Tara perya! Magkano ang nauubos mong barya sa hagis-piso sa mga peryahan kapag may fiesta?

  • Nagbalik-tanaw ang maraming netizens sa kanilang paboritong laro sa peryahan, ang hagis-piso
  • Marami ang naaaliw sa larong ito dahil piso lang ang kailangan at husay sa pagtantiya sa mga kahon at bilog
  • Marami ang miss nang magpunta sa mga peryahan lalo na ngayong panahon na sana ng mga pista sa bansa

Ngayong panahon ng bakasyon sana ng marami ay panahon na rin ng kabi-kabilang pista o fiesta sa bansa. Maliban sa mga prusisyon, pagdaan ng banda, at iba’t ibang programa sa barangay, marami din ang nag-aabang ng pagdayo sa kanilang lugar ng mga peryahan.

Maraming maaaring gawin sa perya. Mayroong mga rides na nasusulit ng mga bata at matanda, at mayroon din namang mga pang-aliw kung saan maaari kang manalo ng iba’t ibang premyo at puwede ring pera.

Larawan mula sa Facebook page na Share Mo Lang

At isa sa mga sikat na puntahan sa perya ng parehong bata at matanda ay ang mga stall kung saan makikita ang malaking board para sa ‘hagis-piso.’ Hindi malaman ang opisyal na pangalan ng larong ito ngunit inihango na lang ang katawagan dito sa paraan kung paano ito laruin.

Mayroong malaking board kung saan ihahagis ng manlalaro ang kanyang piso. Kung saan papasok na bilog o kuwadrado ang piso, iyon ang premyong makukuha. Maaaring ito ay pagkain, kasangkapan sa bahay tulad ng plato at baso, at pwede rin namang lumaki ang halaga ng pisong inihagis mo.

Iyon nga lang, kapag napunta sa linya ng kuwadrado o bilog ang iyong piso o walang napasukang hugis, kukunin ng nagpapalaro ang piso mo. Kaya kukuha ka na naman ng barya na siya mong ihahagis sa board para subukang muli ang iyong swerte.

Dahil nasa enhanced community quarantine (ECQ) ang maraming lugar sa bansa, hanggang balik-tanaw na lang muna ang mga netizen sa kanilang paboritong laro sa perya dahil hindi pa rin puwede ang mass gathering katulad ng normal na eksena sa mga peryahan.

Sa Facebook post ng page na Share Mo Lang, maraming netizens ang biglang na-miss ang kanilang paboritong laro sa perya. Sabi nila, sobrang saya raw nitong laruin dahil kahit sino ay puwedeng sumali basta mayroong baryang maihahagis sa board.

Larawan mula sa FB page na Dabudgetarian.com

Ang mga nanay daw, kina-career talaga ang paghahagis ng piso upang makapag-uwi ng mga kagamitan sa bahay tulad ng baso at plato. Ang iba naman, masaya na raw kahit maibalik lang ang piso nilang inihagis o hindi kaya naman ay kahit maging limang piso man lang.

Dalangin naman ng iba, sana raw ay matapos na ang pandemic upang bumalik na sa normal ang pamumuhay nating lahat at ma-enjoy muli ang mga aktibidad katulad ng paglalaro sa mga peryahan tuwing may fiesta.

Loading…