Tech Talks: Mga Tips para sa Video Conferencing

  • May limang tips si JD Mercado ng “Tech Talks” para sa maayos na video conferencing
  • Malaking tulong ang video conferencing para sa “Work From Home”
  • Nakikita ng marami na isa ito sa mga magiging bahagi ng “New Normal” kapag humupa na ang COVID–19

Lalong nakita ng lahat ang kahalagahan ng paggamit ng internet simula nang maipatupad ang enhanced community quarantine sa buong Luzon at iba pang mga lalawigan sa Visayas at Mindanao dahil kailangan itong gamitin upang makapagpatuloy pa rin sa pagtatrabaho sa pamamagitan ng “Work From Home”.

Bukod pa sa ginagamit ito upang maging updated sa mga nangyayari sa paligid, nagbigay–daan ito upang makitang posible palang maipagpatuloy ang trabaho, entertainment, concerts, benefit shows, at mga pagpupulong online. Na–maximize ng nakararami ang tinatawag na “Video Conferencing”.

Public Domain Image

Kaya naman, nagbigay ng tips ang “Tech Talks” na ibinahagi naman ni JD Mercado upang makatulong sa mga online meetings at conferences, lalo pa’t nauuso na rin ngayon ang mga webinars o online seminars. Ito ay bilang paghahanda na rin sa tinatawag na “New Normal” o mga magiging bagong routine kung sakaling matatapos na ang pandemya.

Unang tip, mute your microphone. I–turn off ang microphone upang hindi nito masagap ang anumang mga “hindi kailangang ingay” na nasa paligid ng bahay at hindi makokontrol, gaya ng tahol ng aso, tilaok ng manok, iyak ng sanggol, busina ng sasakyan, at iba pa. Buksan lamang ito kapag kinakailangan nang magsalita at binigyan ng go signal ng facilitator o moderator ng pulong.

Pangalawang tip, use your chat feature.  Dahil naka–turn off nga ang microphone at hindi makapagsasalita, maaaring gamitin ang chat feature kung may kagyat na ideya, tanong, o concern. Saka lamang ito sasagutin ng boss o facilitator kapag nailatag na niya ang mga kailangang sabihin at talakayin.

Pangatlong tip, go direct to the point. Para naman sa tagapagsalita, facilitator, o moderator ng pulong, kumperensiya, o webinar, maging “direct to the point” at huwag patagalin ang oras. Hangga’t maaari, huwag nang pahabain pa ang oras ng pagsasalita nang lagpas sa isang oras. Isiping may mga kalahok na maaaring limitado ang resources sa internet connection.

Pang–apat na tip, dress appropriately.  Kahit nasa loob ng bahay, manamit pa rin nang naaayon, o kung “tinatamad” namang magbihis pa, i–turn off na lamang ang video upang hindi ka makita ng ibang mga kalahok. Tandaan: maging presentable pa rin.

Panlimang tip, be on time. Igalang ang oras ng tagapagsalita, facilitator, moderator, at mga kapwa kalahok. Maging propesyunal pa rin.

Imahe mula sa Facebook page ng Tech Talks/JD Mercado

Matuto nang tuklasin ang iba’t ibang video conferencing apps lalo pa’t maaaring maging ganito na ang bagong plataporma ng mga pulong o kumperensiya hangga’t hindi pa humuhupa ang COVID–19.

Para sa iba pang mga tips, maaaring magsubscribe sa Facebook at Twitter accounts ng Tech Talks na @jdtechtalks.

Source :

Facebook

Loading…