‘The burger that never sleeps’: Netizens binalikan ang glory days ng sikat na kainan noon na “Burger Machine”

  • Sikat na sikat noon ang burger stall na Burger Machine dahil sa masarap at abot-kayang menu nila
  • Nagbalik-tanaw ang mga fans ng Burger Machine sa ‘glory days’ ng paborito nilang kainan; ‘the burger that never sleeps’
  • Ayon sa kanila, maraming alaala ang ibinabalik ng lasa ng burger nila at maging ng kanilang kakaibang stall

Mahilig ang mga Pilipino sa mga pagkaing mula sa fast food. Nakagawian na ng marami sa atin na sa mga restawran na gawin ang ilang bonding meals ng mga pamilya, espesyal man o walang okasyon. Solb na kasi ang marami sa mas abot-kayang mga pagkain kompara sa fine-dining at high-end na mga kainan.

Pero maliban sa mga fast food, sikat din sa Pilipinas ang mga burger stand. Ito na kasi ang pinakamadali at pinakamurang paraan upang makakain ng ‘espesyal’ na meryenda o almusal. Isa sa mga sumikat noong 80’s hanggang 90’s ang burger stand na Burger Machine na may nickname na ‘the burger that never sleeps’ pagkat ito’y bukas nang 24/7.

Larawan mula sa Facebook post ni Joven Costacio

Nagiging kapansin-pansin ang Burger Machine dahil sa mura pero masarap nilang burger na iba’t iba ang laki, lahok, at flavor. Kaya naman ang mga batang 80’s at 90’s ay inalala ang glory days ng paboritong burger brand na bumusog sa kanila noon.

Sa isang post sa Facebook group na We Are 90’s, nagbalik-tanaw si Joven Costacio sa masarap na meryendang hatid ng Burger Machine. Sa halagang bente pesos daw ay mabibili na ang kanilang jumbo burger.

Pero maliban sa burger, marami rin ang nahumaling sa masarap na coleslaw, chili corn carne sauce, at ang pamoso nilang dessert na sansrival. Sabi nila, sosyal ka na raw noon kung madalas kang mag-Burger Machine. Marami din daw magulang na dito dinadala ang kanilang mga anak para i-treat kapag araw ng sahod.

At maliban sa masarap na produkto, agaw-pansin din ang Burger Machine dahil sa makulay nilang burger stand na madalas makita sa mga mataong lugar. Kakaiba rin ang disenyo ng kanilang stalls na mayroong upuan sa dalawang gilid nito.

Larawan mula sa Wikipedia

Nagsimula ang operasyon ng Burger Machine noong 1981. Dahil nga sa masarap at kakaibang food stall, agad na napukaw nito ang atensyon at panlasa ng mga Pinoy hanggang sa tuluyang dumami ang branches nila sa buong Kamaynilaan, at kalaunan ay buong bansa.

Mayroon pa rin namang mga Burger Machine stalls ngayon. Ngunit hindi katulad noon, hindi na ganoon dinudumog ang mga ito dahil sa pagdami ng fast food restaurants. Gayun man, marami pa ring kabataan noon ang patuloy na sumusuporta sa mga stalls na ito dahil pinanunumbalik nito ang alaala ng kanilang kamusmusan.

Tara nang magsenti sa video na ito ng Burger Machine commercial:

Loading…