Tinatamad pero kailangan: Larawan ng isang batang naghuhugas ng pinagkainan na ‘sarap buhay,’ trending online

  • Nagbibigay ng good vibes ngayon sa netizens ang kakaibang istilo ng isang bata sa paghuhugas ng mga pinagkainan
  • Nakapuwesto kasi ito sa isang upuan habang kinukuskos ang mga hugasing plato at baso sa lababo
  • Nakakuha naman ng technique ang mga netizens para daw maging ‘chill’ naman ang paghuhugas nila

Kamakailan ay nag-trending sa Facebook ang sinasabing kahinaan daw ng mga taga-hugas ng plato. Marami ang sumang-ayon na tila isang pagsub0k nga raw ang pagkuskos sa sandok na may namuong kanin dito.

Pero para sa ilan, hindi lamang paghuhugas ng sandok ang mahirap gawin. Ang paghuhugas mismo ng pinagkainan ay isang nakatatamad na gawain, lalo na sa mga anak na may toka sa gawaing bahay. Ngunit ayaw man, wala tayong nagagawa dahil siguradong yari kina nanay at tatay ang hindi susunod.

Larawan mula sa Facebook post ng Di Umano

Kaya naman ang isang bata, may naisip na diskarte para chill pa rin kahit tambak ang hugasin.

Sa post ng Facebook page na Di Umano, makikita ang isang batang babae na gumawa ng paraan para masolusyunan ang pagkabagot at pangangalay na dala ng pagtayo sa harap ng lababo tuwing maghuhugas.

Nakapuwesto ang bata sa isang upuan sa harap ng lababo habang nilalagyan ng sabon ang basong hinuhugasan. Ito raw ang solusyon ng bata dahil tinatamad siyang maghugas. Pero dahil kailangan, ang upuan na lang ang sandalan niya upang kahit papaano ay gumaan ang kanyang trabaho.

Marami namang mga ‘plate attendant’ ang naka-relate sa batang babae kaya naman agad na nag-viral sa social media ang nasabing larawan. Sa ngayon ay may higit 2,400 reactions na ito na puro ‘haha,’ 300 comments, at 2,000 shares.

Sabi ng mga nagkomento, ito raw talaga ang solusyon kapag paulit-ulit na ang ginagawa at tinatamad ka pa. Ikaw na lang daw talaga ang mag-aadjust dahil siguradong may sermon kapag hindi mo ginawa. Biro naman ng ilan, dapat daw ay may electric fan para totoong hayahay.

Larawan mula sa Freepik

Ayon naman sa ilan, ginagawa na raw talaga nila ito dahil nakangangawit tumayo lalo na kapag sobrang daming hugasin, partikular na kapag may okasyon. Mukha lang daw ‘chill’ dahil nakaupo pero pag0d pa rin kapag maraming nahugasan.

Ang ibang netizens naman ay nakakuha ng technique para sa susunod na hugasan session. Ihahanda na raw nila ang kanilang upuan dahil sila ang toka ngayon sa paghuhugas ng mga pinagkainan. lol

Loading…