Tindahan sa Bulacan, nilimas ang laman ng mga kawatan

  • Nilimas ng mga kawatan ang laman ng isang tindahan sa Bulacan
  • Katabi lamang ang tindahan ng himpilan ng pulisya
  • Nagbabala ang mga awtoridad hinggil sa kaligtasan ng lahat

Pinagnakawan ng mga kawatan ang isang tindahan sa Barangay Tungkong Mangga na nasa City of San Jose Del Monte, Bulacan na nasa tabi lamang ng himpilan ng pulisya, sa kabila ng ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Batay sa ulat ng Facebook page na “Balitang SJDM,” nilimas umano ng mga kawatan ang lahat ng maaaring makuha at mapakinabangan sa  naturang tindahan ng isang residente. At ang ikinalulungkot nila, nasa tabi pa mandin ito ng himpilan ng mga pulis.

Imahe mula sa Facebook page ng Balitang SJDM

Ayon sa anak ng may-ari ng tindahan na si “May Anne Valderama”, nasilat ng mga kawatan ang mga paninda, kita at ipon ng kaniyang ina. Maging ang ilang appliances ay natangay din. Sa likurang bahagi daw ng kanilang bahay dumaan ang nanloob sa kanilang tindahan kaya hindi kaagad napansin.

Nai–report naman na sa kanilang barangay ang insidente. Panawagan nila na matulungan sana sila ng mga kinauukulan upang makapagsimulang muli sa kanilang munting hanapbuhay, lalo na ngayon na nasa ilalim pa rin ng ECQ ang buong Bulacan.

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens. Baka raw ito ay “looting” na lalo’t halos magdadalawang buwan nang hindi nakapagtatrabaho ang marami. Isa pa, hindi pa nabibigyan ng ayudang pinansyal ang iba pa.

Sabi ng isa, “Iyan na sinasabi ko darami pa nakawan na iyan dahil sa kawalan din ng disiplina ng iilan. Panay tayo extend ng lockdown gutom aabutin natin. Lalo na ‘di naman sapat ang ayudang natatangap natin sa ating gobyerno.”

“Ito na yung epekto ng dahil sa kahirapan at wala nang maipambili ng pagkain, nagugutuman kaya makakagawa na ang iba ng magnakaw,” turan naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook page ng Balitang SJDM

Samantala, labis namang pinagtatakhan ng mga awtoridad kung paano nangyari ang nakawan gayong ipinagbabawal na ang paglabas ng mga tao mula sa kanilang mga bahay, at may ipinatutupad na curfew hours mula 8:00 ng gabi hanggang 5:00 ng madaling–araw.

Pinaalalahanan naman ang publiko na magdoble–ingat pa rin; hindi lamang sa kalusugan kundi maging sa kaligtasan at seguridad. Tiyaking nakasaradong maigi ang mga tarangkahan, pinto at bintana tuwing gabi. Kung kinakailangang gumamit ng double lock upang matiyak na walang makasasalising masamang–loob ay gawin ito.

Loading…