Tunay na lodi: Batang mataimtim na nagrorosaryo sa bahay dahil sarado ang mga simbahan, simbolo ng pag-asa online

  • Trending sa social media ang larawan ng isang batang lalaking hindi naawat ang pananalig kahit sa panahong sarado ang mga simbahan
  • Mataimtim kasing nagdarasal ng rosaryo ang bata dahil gusto raw talaga nitong sumali sa aktibidad ng simbahan para sa Flores de Mayo
  • Naging inspirasyon naman ang bata sa maraming netizens na kahit nasa bahay ay hindi dapat tumigil ang pananalig sa Maykapal

Sabi nga ng mga eksperto sa kalusugan, isang komplikadong laban ang mayroon tayo sa C0VID-19 dahil hindi natin nakikita ang katunggali. Pero sabi naman ng mga alagad ng simbahan, mayroon din tayong sandatang hindi man nakikita, ay ramdam din ang presensya — ang Panginoon.

Kaya naman sa panahon ng pandemic, kahit sarado ang mga simbahan, anumang relihiyon, ay gumagawa ng paraan upang maipagpatuloy ang pagpapakita ng pananalig sa Diyos. At isang bata ngayon ang nagpapatunay na hindi dapat tumitigil ang paniniwala at pananampalataya sa Maykapal.

Larawan mula sa Facebook post ni Aldre Salabas Lagapa

Ibinahagi ng netizen na si Aldre Salabas Lagapa ang larawan ng isang batang lalaki na mataimtim na nagdarasal ng rosaryo sa kanilang tahanan. Nakaupo sa tapat ng santo at kandila, matiyagang dinarasal ng bata ang isa sa mga mahahalagang simbolo ng pananampalataya ng mga Katoliko.

Nais daw talaga ng batang tinatawag ng mga nagkokomento bilang si Aldos na makasali sa Flores de Mayo ngunit dahil bawal muna ang mass gatherings, walang aktibidad ang simbahan ngayon. Kaya naman idinaan na lang ng bata ang kanyang pananalig sa pagdarasal sa kanilang bahay.

“C0VID-19 may close churches from those kids who want to join Flores de Mayo but for him, he is committed even in our home,” pahayag ni Aldre sa kanyang post.

Marami naman ang natuwa at nakakuha ng inspirasyon mula sa batang ito. Agad na nag-viral sa social media ang larawan niya at umani na ng 5,500 reactions at 3,000 shares habang isinusulat ang istoryang ito.

Larawan mula sa Freepik

Ayon sa mga netizens, isang inspirasyon si Aldos sa mga kabataan ngayon. Marami ang nasa bahay lang at abala sa kanilang mga gadget at paglalaro. Ngunit patunay daw siya na mayroon pang mga batang matatag ang paniniwala sa Diyos kahit sa panahon ng modernong teknolohiya.

Dahil dito, marami ang nahikayat, parehong kabataan at matatanda, na ipagpatuloy ang kanilang pananampalataya kahit walang misa ngayon sa mga simbahan. Ang mahalaga raw, kahit nasaan ay naipakikita ang paniniwala sa Panginoon na kailangang-kailangan ng mundo dahil sa kinahaharap na krisis.

Loading…