Two-in-one meryenda: Nakakain ka na ba ng ‘pan-q’ o isaw ng manok na ipinalaman sa tinapay?

  • Mahilig ang mga Pinoy kumain ng street food dahil maliban sa mura na, masarap pa ang mga ito
  • Isa sa mga pinakakaibang street food na mayroon sa Mindanao ay ang ‘pan-q’
  • Ito ay inihaw na isaw ng manok na ipinapalaman sa tinapay na maihahalintulad sa isang burger

Mayaman sa masasarap na pagkain at lutuin ang Pilipinas. Mula sa pinaka-espesyal hanggang sa pinakasimple ay talaga namang gugustuhin mong tikman. At dahil maraming Pinoy ang nagtitipid o kulang sa budget, nagkalat din ang mga nagtitinda ng street food o simpleng meryenda.

At kung food trip ang pag-uusapan, mayroong kakaibang kombinasyon ang mga taga-Iligan City. Pinagsama kasi nila sa isang konsepto ang dalawang paboritong meryenda ng mga Pilipino, ang ihaw-ihaw at ang burger.

Larawan mula sa Facebook post ng Becoming Filipino page

Sa isang post ng Facebook page na Becoming Filipino, ipinakilala nila ang kakaiba pero masarap na burger ng mga taga-Kanluran, ang ‘pan-q.’ Ito ay maihahalintulad sa isang burger ngunit ang palaman ay ang isa pang pamosong street food — ang inihaw na isaw ng manok.

Sa mga stall na nagtitinda ng pan-q, aakalain mong normal na barbecue lamang ang tinitinda nila. Pero may twist pala ang kanilang specialty dahil ang isaw na iniihaw ay ipapalaman pala sa tinapay. Pinapainitan din ang tinapay sa ihawan at nilalagyan ng special sauce.

Kapag luto na ang isaw, tsaka ito tatanggalin sa stick at ilalagay sa loob ng tinapay na mayroong sauce. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit ‘pan-q’ ang tawag dito: pan dahil sa tinapay, at ang Q ay mula naman sa barbecue o BBQ.

Sabi ng post ng Becoming Filipino page, mukha lang daw weirdong tignan ang burger na ito pero kapag natikman mo ay babalik-balikan mo. Ayon pa sa post, ngayong may quarantine ay marami siyang kaibigan sa Iligan na nagke-crave dito.

Larawan mula sa Team Conato PH vlog

At mukhang marami-raming Pinoy nga ang may gusto sa pan-q dahil nag-viral ang post na ito ng Facebook page. Sa ngayon ay mayroon na itong 6,700 reactions, 1,000 comments, at 2,400 shares. Marami din ang nagpaabot na paborito nga nila ang pan-q.

Para sa ilan, comfort food raw nila ito lalo na pagkagaling sa eskwela o trabaho. Ang iba naman, ngayon lang narinig ang tungkol dito at sinasabing sana raw ay makarating sa Luzon ang lutuing ito para naman matikman nila.

Panoorin ang isang vlog tungkol sa food trip nila na ‘pan-q:’

Source :

YouTube, Facebook

Loading…