Underground hospital para sa Chinese COVID-19 patients nadiskubre sa Pampanga

  • Isang ilegal na pagamutan ang natuklasan ng mga awtoridad sa Pampanga
  • Ang sikretong ospital ay para sa mga Chinese patients na positibo sa COVID-19
  • Nasamsam ng mga pulis ang maraming gamot na hindi rehistrado sa FDA

Natuklasan ng pulisya ang isang sikretong pagamutan para sa mga Chinese nationals na nagpositibo sa COVID-19 sa Pampanga.

Screenshot mula sa GMA video

Isang dating leisure villa ang ginawang pagamutan na may seven-bed capacity at may sariling botika sa loob, na ang mga gamot ay pawang galing sa China at hindi rehistrado sa Food and Drug Administration. Natagpuan sa naturang underground  hospital ang maraming medical wastes na nakalagay lang sa mga plastic containers na walang mga takip.

Kabilang sa mga medical wastes na natagpuan ang mga herenggilyang nagamit na, IV tube at mga botelya ng medisina.

Wala umanong maipakitang permit to operate mula sa Department of Health at sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases ang makeshift COVID-19 hospital.

Isang Chinese patient ang inabutan ng mga awtoridad sa sikretong ospital at inilipat na ito sa tunay na pagamutan.

Ayon kay Police Brigadier General Rhoderick Armamento, deputy director for administration ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group, nakababahala ang ginagawa ng ilegal na pagamutan. Aniya, hahanapin nila ang lahat ng mga pasyenteng nagpagamot doon upang alamin ang kanilang kalagayan.

Screenshot mula sa GMA video

Posible umanong hindi pa tunay na magaling ang mga pasyente at maaaring makahawa pa ang mga ito ng ibang tao.

“Mga Chinese nationalities ‘yung mga pasyente nito. Hahanapin natin kung sino-sino ‘yung mga positive dito. Hindi natin alam na sila pala, akala nila magaling na sila pero ‘yun pala is patuloy silang nanghahawa ng virus dahil sa pagkakaalam nila, nagamot na sila ng ospital na ito,” aniya.

Dinampot ng mga alagad ng batas ang nagsisilbing administrator at pharmacist ng pekeng ospital. Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Food and Drug Administration Act of 2009 at Medical Act of 1958.

Screenshot mula sa GMA video

Loading…