Vendor na may mabuting kalooban, nakatanggap ng tulong mula sa isang vlogger

Imahe mula sa Facebook | Team Katagumpay
  • Saludo ang mga netizens sa isang tinderong naglalako ng kakanin na naging subject ng social experiment ng isang vlogger
  • Kahit kasi wala pang benta at kailangan pang magpagawa ng gulong na na-flat ay hindi ito nagdalawang-isip na tumulong sa iba
  • Paliwanag niya, alam niyang dahil sa COVID-19 ay marami talaga ang naghihirap ngayon kaya gusto niyang makatulong sa paraang kaya niya

Napahanga ang marami sa isang lalaking naglalako ng kakanin na handang tumulong sa kaniyang kapwa.

Imahe mula sa Facebook | Team Katagumpay

Nagsagawa ng social experiment ang vlogger na si JayTV o KaTagumpay upang tingnan kung papayag ba ang hindi pinangalanang vendor na ito na pagbilhan siya kahit kulang ang pera niya.

Sampung piso kada isang hiwa ang tinitindang kakanin ni manong ngunit sinabi ng vlogger na P5 lamang ang pera niya at talagang gutom na siya. Kahit wala pang benta at kailangan pang ipagawa ang flat na gulong ng sidecar ay hindi nagdalawang-isip si manong na pagbilhan pa rin siya.

Dahil dito ay pinagkalooban siya ni KaTagumpay ng grocery items na naglalaman ng bigas, delata, kape, tinapay, at marami pang iba. Inabutan niya rin ito ng cash.

Laking pasasalamat naman ng tindero sa mga natanggap na biyaya at nang tanungin kung bakit handa siyang tumulong sa kapwa kahit siya mismo ay nangangailangan din, sinabi niyang alam niyang marami talaga ang kinakapos ngayon dahil sa pandemya.

Imahe mula sa Facebook | Team Katagumpay

“Dala ng COVID e, kahirapan. Kaya kahit ano, makatulong man lang sa kapwa,” sabi niya.

Mas naantig si KaTagumpay dahil bago umalis ang lalaki ay ipinangako pa niyang isasama sa kaniyang panalangin ang vlogger. “‘Pag sinabi ng isang tao na ipagpepray kita, humanda ka kasi 101 percent sure, na ibe-bless ka ni Lord,” aniya.

Inulan naman ng mabubuting komento ang vendor. Ngayon ay may mahigit 168k reactions at 6.6k shares na ang video. “Ganiyan talaga ang mga simpleng tao. Sila ang mas nakaiintindi sa sitwasyon ng mga nangangailangan,” ani A. Relucio.

Sabi naman ni J. Barnedo, naging paalala ito sa kaniya na may mabubuting tao pa rin sa mundo. “Despite the pandemic, there are still people with kind hearts who are always willing to help, regardless of their situation.”

Panoorin dito ang video:

Source :

Facebook, YouTube

Loading…