Video ng mga asong humahabol sa sasakyan ng grupong nagpapakain sa kanila, kinaantigan

  • Marami ang naantig sa video na in-upload ng isang miyembro ng animal rescue group
  • Sa video ni Malou Perez, makikita ang paghabol ng ilang mga aso sa kanilang sasakyan nang madaanan nila ang kalye kung saan sila palaging nagpapakain ng mga hayop na walang permanenteng tirahan
  • Magkahalong lungkot at tuwa naman ang naramdaman ng netizen dahil nakikilala sila ng mga hayop na kanilang tinutulungan

Ibinahagi sa social media ng isang netizen ang isa sa mga nakaaantig niyang karanasan habang ginagawa ang kaniyang tungkulin para sa PAWSsion Project sa ilalim ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS).

Imahe mula sa Facebook video ni Malou Perez

Sa post ng dog lover na kinilalang si Malou Perez sa Facebook noong May 6, mapapanood ang nakaaantig na video ng paghabol ng ilang mga aso sa kanilang sasakyan nang madaanan nila ang kalye kung saan sila laging nagpapakain ng mga stray animals.

“Passed by Lacson street where a number of our regular strays are, on our way to pick up the food we will feed them,” sabi ni Malou.

Ayon kay Malou, bahagyang nahuli sila sa oras ng pagpapakain sa mga hayop noong gabing iyon dahil nagsasagawa pa sila ng rescue operations mula sa ibang lugar.

Kukunin pa lamang umano sana nila ang pagkain para sa mga aso pero hinabol agad sila ng mga ito nang makita ang kanilang sasakyan.

“We normally are already feeding them around this time but we had a long day today as we had to do rescue operations, get impounded dogs and bring them to the shelter which is an hour away from the city.. and the dogs ran and followed the car!” aniya.

Hindi naman maipaliwanag ng netizen ang kaniyang naramdaman sa mga sandaling iyon.

Aniya, magkahalong lungkot at tuwa ang nangibabaw sa kaniyang puso matapos silang makikilala ng mga asong ilang araw na nilang tinutulungan.

“I dont know what to feel! I’m happy and heartbroken at the same time. The loyalty and eagerness to see us after just over 40 days of feeding is amazing!” sabi nito.

Agad namang nag-viral ang naturang video sa social media. Sa katunayan umani na ito nang higit 36,000 views sa Facebook, habang nasa higit 6,100 naman ang nagbigay ng kanilang reaksiyon sa video.

Tama si Malou. Mahahati talaga ang iyong damdamin sa tuwa at lungkot pagkakita mo sa mga aso na marahil ay labis din ang tuwa pagkakita sa kanila ngunit labis na nagtaka at nalumbay nang sila ay palayo na.

Source :

Facebook

Loading…