VP Leni Robredo, maglulunsad ng mobile delivery app para sa negosyo ng mga tindera sa palengke at tricycle drivers

  • Nakatakdang maglunsad ng isang mobile app ang Office of the Vice President para sa mga tindera sa palengke
  • Maaari daw um-order sa app na ito sa mga palengke na dadalhin naman ng mga tricycle drivers
  • Sa ganitong paraan daw ay matutulungang kumita ang mga tindera sa palengke at mga tsuper ng tricycle

Tuloy-tuloy ang paghahatid ng serbisyo ni Vice President Leni Robredo at kanyang tanggapan para maibsan ang pasanin ng mga kababayan natin ngayong may kinahaharap na pandemic ang mundo.

Matapos makakalap ng milyong pisong pondo para sa mga frontliners na ginamit para sa kanilang transportasyon, kagamitan, at pansamantalang matutuluyan, ngayon naman ay ang mga nagtitinda sa palengke at mga tricycle driver ang magkatatanggap ng tulong mula sa Office of the Vice President (OVP).

Larawan mula sa PNA

Inihayag ni Robredo sa kanyang radio show na “BISErbisyong Leni” na maglulunsad sila ng mobile application kung saan maaaring magpa-deliver ang mga mamamayan ng mga produkto mula sa palengke na dadalhin naman ng mga tricycle drivers.

Sa application daw ay maaaring um-order ang mga mamamayan ng nais nilang bilhing produkto sa palengke. Ihahanda raw ito at dadalhin din sa bahay ng customer sa mismong araw sa pamamagitan ng mga tricycle drivers.

Sa ganitong paraan daw ay mas malawak na kabuhayan ang maibibigay nila sa ilang Pilipino sa panahong ito. Makatutulong na raw sila sa pagbaba ng dami ng tao sa mga pamilihan, partikular na ang mga palengke, makatutulong pa raw sila sa kita ng mga tindero at tsuper.

“The concept is you will download an app on your phones and order online Then someone will receive it in the market. Then it will be delivered to you on the same day, but the tricycle drivers will deliver your purchase,” saad ni Robredo.

Larawan mula sa PNA

Sa kasalukuyan ay nasa dry run stage pa lamang ang proyektong ito ng OVP. Unang ginawa ang test run sa Kamuning Market noong nakaraang linggo. Mayroon na rin umanong 10 tricycle drivers ang nabigyan ng accreditation para magdala ng serbisyo sa Quezon City.

Pagsisiguro ni Robredo, hindi ito kompitensya sa mga umiiral na market-delivery apps ngayon dahil maliliit na palengke at pamilihan lamang ang masasakop ng serbisyo.

Loading…